
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak na sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na wanted sa bansa nito dahil sa pagkakasangkot sa financial fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang naarestong dayuhan na si Sato Shohei, 32-anyos, na nadakip noong Abril 24 sa Newport Blvd., Pasay City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU).
Isinagawa ng FSU ang operasyon sa bisa ng summary deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban kay Shohei noong nakalipas na Pebrero.
“He was ordered deported after the Japanese governmemnt sought our assistance in locating and arresting him so he can be deported to his country to stand trial for his alleged crimes,” ayon sa BI chief.
Inilagay na rin sa immigration blacklist order si Shohei na awtomatikong hindi na muli pang makakabalik ng Pilipinas dahil sa pagiging undesirable alien.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, may warrant of arrest na inilabas ang summary court sa Tokyo laban kay Shohei kaugnay ng kasong theft na isinampa laban dito noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Iniulat ng mga awtoridad ng Japan na nakipagsabwatan si Shohei sa iba pang kasabwat sa pagnanakaw ng pera mula sa mga bank accounts ng mga biktima na ang mga ATM card ay nakuha nila sa pamamagitan ng pagkukunwang mga pulis o mga kinatawan ng financial service agency representatives.
Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dayuhan habang hinihintay ang pagpapatapon dito pabalik ng Japan.