
Ni NOEL ABUEL
Hinamon ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang bagong talagang Philippine National Police (PNP) chief na si Major General Benjamin C. Acorda, Jr. na bigyang prayoridad ang paglilinis ng buong organisasyon at agarang isayos ang eskandalong kinasasangkutan na labis pang naglugmok sa dati ng hindi magandang imahe ng kapulisan.
“Kailangang unahin ni Chief PNP Acorda na isaayos ang institusyon, at kasama niya kami dito, kailangan alisin na ang mga bulok sa organisasyon, kasuhan ang mga sangkot sa anomalya at papanagutin upang hindi na makapanira pa,” parating na hamon ni Revilla.
Sinabi pa nito na ang naging resulta ng pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs sa pangunguna ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa paglikida kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na ayon sa mga testimoniya, ay ilang miyembro umano ng PNP ang mistulang sundalo ng mga pulitiko, kapalit ng malaking halaga, na isang malaking sampal sa kabuuan ng PNP.
Idinagdag pa ng beteranong mambabatas ang nakatakdang pagdinig ng nabanggit ding komite hinggil sa umano’y cover-up ng P6.7B drug operation noong nakaraang taon kung saan nasakote si PMSgt. Rodolfo Mayo, Jr.
“Kailangan natin ibalik ang tiwala ng publiko sa ating pulisya, wala namang matatakbuhan ang ating mga kababayan para sa peace and order, kaya dapat iayos natin pare-pareho at ibangon ang institusyon, mangyayari lamang ito kung magkakaroon ng transparency at accountability. Panagutin ang mga dapat managot,” pahayag pa ni Revilla.