Libreng sakay sa LRT2 sa Mayo 1

Ni NERIO AGUAS

Makakasakay ng libre ang mga manggagawang Pilipino sa Light Rail Transit (LRT) Line 2 sa darating na Araw ng Paggawa o sa Mayo 1.

Ito ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos hilingin nito sa Department of Transportation (DOT) na magbigay ng libreng sakay sa mga manggagawang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa susunod na linggo.

Nabatid na ang lahat ng manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor ay bibigyan ng libreng sakay mula ala-7:00 hanggang 9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa Mayo 1.

Kailangan lang na magpakita ng pasahero ng LRT 2 ng kanilang company identification card o anumang valid government-issued identification card.

Kinakailangan din na sumunod ang mga pasahero sa karaniwang frisking at baggage inspection ng LRT Line 2 management at sa mga alituntunin at regulasyon, gayundin ang pagsusuot ng face mask.

Sinabi ng labor department na inaasahang makikinabang sa libreng sakay ang mga naghahanap ng trabaho na pupunta sa iba’t ibang job fair sites sa National Capital Region at mga manggagawang papasok sa trabaho sa Araw ng Paggawa.

Ipinahayag din nito na ang libreng sakay sa LRT Line 2 ay hindi lamang para pagaanin ang pinansiyal na pasanin ng mga manggagawa bagkus ay upang kilalanin ang kanilang makabuluhang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.

Ang LRT Line 2 ay may 13 istasyon at 17.6-kilometrong (10.9 mi) ruta. Kabilang dito ang mga istasyon ng Recto, Legarda, Pureza, V.Mapa, J.Ruiz, Gilmore, Betty Go-Belmonte, Araneta Center-Cubao, Anonas, Katipunan, Santolan, Marikina-Pasig, at Antipolo.

Pangungunahan ng DOLE ang ika-121 taon ng Araw ng Paggawa na may temang, “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino.”

Leave a comment