
Ni NOEL ABUEL
Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang nasayang na mga garbage trucks na binili ng provincial government ng Pampanga na hindi nagamit hanggang sa masira.
Ayon sa COA, dalawang taon matapos mai-deliver ang 27 garbage trucks sa lokal na pamahalaan ng Pampanga, 15 units ang hindi naipamahagi at ngayon ay nababalot na ng mga damo, baging, at kalawang sa kabila ng naitala bilang “bagong-bago” dahil sa hindi nagamit.
Sinabi ng state auditors na ang mga trak ay bahagi ng P303.56 milyon na biniling sasakyan na isinagawa ng lalawigan noong 2021 at 2022 at hindi sumasailalim sa pagsisiyasat dahil sa mga naiulat na kakulangan.
Sinabi ng audit team na walang project proposal bilang suporta sa pagbili at ang pamamahagi ay hindi sakop ng deeds of donation na nagdulot ng pagdududa na may iregularidad sa transaksyon na tahasang paglabag sa Section 4 (6) ng Government Auditing Code of the Philippines.
Sa record, ang 27 garbage truck na nagkakahalaga ng P39.15 milyon ay naihatid noong Hulyo 28, 2021 ng nanalong supplier na City-West Motors Corp.
Napuna ng mga auditors na bagama’t hindi nagamit, ang 15 na garbage truck ay hindi na sakop ng isang taong warranty na nag-expire noong Hulyo 2022.
“It was observed further that the said trucks were exposed to the elements, causing weeds to crawl on some parts of the body. It was further noticed that some trucks showed signs of rust on their cargo bay which can be attributed to prolonged exposure to rain and sun,” anila.
Bukod sa mga trak, nakakuha rin ang lalawigan ng 215 closed van sa halagang P264.407 milyon mula din sa City-West Motors Corp.
Ang Notice of Award ay inilabas noong Abril 5, 2022 at ang Notice to Proceed noong May 2, 2022 at ang delivery ay sinimulan sa kahalintulad na araw.
Ibig sabihin, mag-e-expire na ang isang taong warranty ngayong araw na masamang balita para sa probinsya dahil 16 na unit ng mga van ang nananatiling hindi naipamahagi kung saan ang 10 ay nakaimbak sa isang warehouse sa Global Aesana Industrial Park sa San Simon, Pampanga habang ang natitirang anim na unit ay nasa Provincial Engineer’s Office Compound sa lungsod ng San Fernando.
Sa listahan ng pamamahagi para sa 199 na van, 33 ang napunta sa Lubao; 24 sa Magalang; 23 sa Arayat; 20 sa Mabalacat City; 12 bawat isa sa Apalit at Bacolor; at 11 bawat isa sa Guagua at San Luis.
Ang bayan ng Mexico ay nagkaroon ng 9 na units; 8 Minalin; 6 sa Sta. Rita; 5 sa Porac; apat sa Sasmuan at Floridablanca; tatlo sa San Fernando City at Macabebe; at dalawa sa Masantol.
Humingi ng paliwanag ang COA kung bakit ipinagpatuloy ng pamahalaang panlalawigan ang transaksyon kahit na hindi pa tiyak kung ilan ang tatanggap.
Ayon sa Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO), ang pagbili ng mga trak ng basura ay bunsod ng kakulangan ng mga pasilidad sa pagtatapon ng basura sa ilang munisipalidad, isang problema na natukoy sa pulong ng Executive-Legislative Agenda 2020-2022
Ang mga naistak na dump trucks ay inilaan para sa mga cluster barangay batay sa rekomendasyon ng mga opisyal ng munisipyo at barangay gamit ang mga kadahilanan ng populasyon, malapit sa mga pasilidad ng pagtatapon ng basura, dami ng basurang nabuo.
Gayunpaman, nahirapan ang pamamahagi dahil hindi makapagpasya ang mga clustered barangay kung sino sa mga ito ang kikilalanin ang pagmamay-ari ng sasakyan na may kasamang responsibilidad at gastos sa maintenance.
Sinabi ng COA na maiiwasan ito kung may sapat na pagpaplano bago ang pagbili.
“It is evident that management failed to meticulously and judiciously plan the procurement which led to the long delay in the usage thereof and incurrence of depreciation expense although the vehicles were not yet used,” ayon pa sa COA.