
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ng isang kongresista ang pagkakaloob ng financial assistance sa mga naging biyuda at biyudo bilang tulong para mabawasan ang pighati ng mga ito sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
Sa House Bill No. 7795 na pinamagatang “Widower and Widow Financial Assistance Act”, na inihain ni CIBAC party-list Rep. Bro Eddie Villanueva, naglalayong magbigay ng tulong pinansyal at pagpapayo sa mahihirap na biyudo o balo upang makatulong na maibsan ang kalungkutan, sakit, at pinansiyal na epekto ng pagkawala sa unang ilang buwan ng mga naulila.
“Death is an inherent certainty of life and the loss of a loved one, particularly a spouse, surely brings pain, anxiety, or sometimes ‘brain freeze’ in which the mind is deeply entangled in grief and unable to process things normally. Much more if the dead spouse is the sole breadwinner of the family, the financial loss due to the departure of the income earner aggravates the degree of grief and pain of the surviving spouse,” sabi ni Villanueva.
“With this measure, widowers/widows will be given financial assistance and emotional support to sustain them during a difficult time when they are vulnerable to bad and risky decisions that usually lead them to further hardships or debts. This aid will greatly help them and their families, especially the indigents, emerge victorious after an experience of a devastating loss,” dagdag pa nito.
Tinukoy ng panukalang batas ang isang balo bilang isang babae na ang asawa ay namatay habang siya ay kasal sa kanya at hindi pa nag-asawang muli.
Sa kabilang banda, ang biyudo ay isang lalaking namatayan ng asawa habang ikinasal ito at hindi pa nag-asawang muli.
Nakasaad pa sa HB 7795 na nag-aatas na magbigay ng tulong pinansyal sa mahihirap na biyudo/balo ng halagang katumbas ng umiiral na minimum wage rate sa lugar ng kanyang tirahan sa loob ng 3 buwan.
Ang nasabing tulong ay maaaring makuha sa pagpapakita ng residential and indigent certificate na inisyu ng sakop ng barangay o local government unit bilang karagdagan sa marriage certificate at death certificate ng namayapang asawa.
Dapat ding aniyan patunayan ng nasabing residential/indigent certificate na ang mag-asawa ay magkasamang nakatira sa oras ng kamatayan.
Bilang karagdagan, ang HB 7795 ay nag-uutos na ang isang social worker mula sa barangay ay dapat magbigay ng grief counseling upang matulungan ang biyudo/balo na makayanan ang pagkawala ng kanyang kabiyak.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ay itatalagang mag-isyu ng kinakailangang Implementing Rules and Regulations kapag naisabatas na ang panukalang batas.
“This bill aims to protect the solidarity of the Filipino family and strengthen it even amidst life’s losses and shocks. After all, no less than God says that true religion is caring for those widows and orphans especially in times of distress. I hope Congress will favorably act on this measure with dispatch,” pahayag pa ng mambabatas.