
NI NERIO AGUAS
Ipinagmalaki ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kumita ng mahigit P6.4 milyon ang Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa sa buong bansa, kung saan nakapagtala ng mahigit tig-P1 milyon kita ang National Capital Region (NCR) at Central Luzon.
Ayon sa DOEL, nakapagtala ang Kadiwa sa NCR ng benta na nagkakahalaga ng P1,009,903.24, na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Abril 30 at dinaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Samantala, ang mga Kadiwa outlet sa Central Luzon na itinayo sa San Jose Del Monte City sa Bulacan; Angeles City sa Pampanga; at Mariveles sa Bataan, ay nag-ulat ng benta na nagkakahalaga ng P1,009,056.15.
Ang iba pang Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa sa Luzon ay nakapagtala ng mga sumusunod na benta: Cordillera Administrative Region (CAR)– P193,583.00; Ilocos Region – P464,769.00; Cagayan Valley Region– P302,418.00; CALABARZON – P137,654.00; at Bicol Region – P673,056.87.
Habang iniulat ng Kadiwa outlet sa Visayas at Mindanao ang mga sumusunod na benta: Western Visayas – P214,838.00; Central Visayas – P636,362.00; Eastern Visayas – P472,296.75; Zamboanga Peninsula Region – P288,834.00; Northern Mindanao – P280,801.75; Davao Region – P147,436.00; SOCCSKSARGEN – P203,338.95; at Caraga – P555,756.57.
Sa datos pa ng DOLE, hanggang Mayo 2 lamang at inaasahang tataas pa ito sa pagdating ng mga ulat ng benta mula sa mga DOLE Regional Office.
Sa pagdiriwang ng Labor Day, naglagay ang DOLE ng 29 Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa outlet sa buong bansa kung saan inialok sa mga Pilipinong manggagawa ang abot-kaya at de-kalidad na produkto mula sa 606 negosyo at 1,223 tindero.
Naging daan ang Kadiwa sa mga magsasaka upang direkta nilang maibenta sa mga mamimili ang kanilang mga produkto nang walang tagapamagitan para higit na malaki ang kanilang kikitain mula rito.
