
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang umano’y dayaan sa voters registration ng mga botante para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
Sa inihaing Senate Resolution no. 592 ni Marcos, tinukoy nito ang report noong Marso kung saan nadiskubre ng Comelec na may 892,627 ang doble ang rehistrasyon para sa 2022 National at Local Elections.
Una nang tiniyak ni Comelec Commissioner George Erwin M. Garcia na kakasuhan ang mga double o multiple registrants at iginiit na ang “good faith” ay hindi isang magandang depensa sa mga kaso sa eleksyon.
“Sa kabila ng pagsisikap ng Comelec na ipatupad ang batas, namamayagpag pa rin ang mga tinatawag na flying voters na nagparehistro sa ibat-ibang mga presinto at ang pagpaparehistro ng mga botante sa mga lugar na hindi naman sila nakatira,” ani Marcos.
Sa resolusyon ni Marcos, binanggit din ang isang insidente na nagsasangkot sa Barangay Carmona sa Makati City kung saan lumobo ang mga nakarehistrong botante sa 78%, o mula sa dating 4,718 lang na rehistratong botante noong 2022 elections, umakyat na ito sa 8,415 na mga botante para sa 2023 Barangay Elections.
Pinatunayan din ni Barangay Carmona Chairman Joselito M. Salvador na hindi na mabilang ang pagdami ng mga bagong residente sa kanilang lugar o sa teritoryo ng mga barangay.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, na kinakailangang agarang silipin ang umiiral na mga batas sa eleksyon kabilang ang Voter’s Registration Act of 1996 at ang mahahalagang bahagi ng Omnibus Election Code para madesisyunan at matugunan na ang napakatagal nang mga isyung ito.
“Hindi natin mapapayagan na hindi busisiin ang ganitong malawakang dayaan sa rehistrasyon ng mga botante at maging isang permanente nang kalakaran sa sistema ng eleksyon sa ating bansa,” giit pa ni Marcos.
