
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang isinusulong ng Senado na across-the-board increase sa daily wage hike dahil sa unti-unti nang bumabawi ang bansa mula sa masamang epekto ng COVID-19 pandemic.
“Dahan-dahan na tayong bumabangon dahil sa magandang pandemic response natin. Manageable na ang COVID-19 pero huwag pa rin tayo magkumpyansa. Matapos na mailigtas ang buhay mula sa sakit, siguraduhin naman natin ang laman ng kanilang tiyan,” sabi ni Go.
“No Filipino should be left behind in our road towards full and inclusive economic recovery. By being inclusive, we mean not just business owners and investors benefiting from the improving economy but also even the most ordinary workers, especially the daily wage earners. ‘Yung mga isang kahig isang tuka, huwag natin pabayaan,” giit nito.
Noong Mayo 11, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ay lumago ng 6.4% sa unang bahagi ng taon.
Lumampas ito sa mga pagtatantya na ginawa ng mga ekonomista. Ito, sa ngayon, ang pinakamabilis na rate ng paglago sa Southeast Asia na tinalo ang Indonesia na may 5.03% at Vietnam na may 3.32%.
Gayunpaman, binigyan-diin ng International Monetary Fund kamakailan na ang paglago ng ekonomiya ng bansa ay dapat mapanatili sa 6% ngayong taon kung isasaalang-alang ang inflation rate na nananatiling mataas.
“Risks to inflation remain on the upside, and a continued tightening bias maybe appropriate until inflation falls decisively within the 2-4 percent target range,” sa isang pahayag ng IMF.
“Nag-expand nga ang ating economy pero mataas pa rin ang inflation rate. Ibig sabihin, mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Isipin natin ang mga pinakamahihirap na mga manggagawa natin, yung mga daily wage earners, na nahihirapan nang magbudget, halos isang kahig, isang tuka na lang sa taas ng presyo,” pahayag pa ng senador.
Bagama’t kinikilala ng senador na kailangang balansehin ng gobyerno ang interes ng mga employers at mga manggagawa, ipinaalala nito na kamakailan lamang ay nagkaroon ng mas mababang income tax ang mga kumpanya at negosyo sa pamamagitan ng pagpasa ng Republic Act No. 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o “CREATE” na inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.