
Ni NOEL ABUEL
Nakapagtala ang Senado ng P5.587 bilyon na paggastos noong taong 2022 na mas mataas sa P5.039 bilyon kung ikukumpara sa 2021 o pagtaas sa P548 milyon.
Ayon sa Commission on Audit (COA), sa financial statement ng Upper Chamber noong 2022, ang Personnel Services na kinabibilangan ng suweldo, allowances, at iba pang benepisyo ng mga opisyal at empleyado ay tumaas mula P2.63 bilyon noong 2021 na naging P2.922 bilyon noong 2022 na katumbas ng pagtaas ng P292 milyon taun-taon.
Ang Senado ay may kabuuang manpower complement na 1,972 na may bilang na 947 tauhan sa ilalim ng Senate Proper at 1,025 sa ilalim ng Secretariat.
Base sa payroll details, ang Senado ay mayroong 743 permanent employees, 950 sa co-terminus status, 26 ang elected, 226 casuals, at 27 contractual basis.
Samantala, sa operating expenses ng Senado, umakyat ito mula sa P2.37 bilyon noong 2021 ay naging P2.628 bilyon noong 2022, na katumbas ng P258 milyong pagtaas.
Ang datos ay naka-attach sa 2022 annual audit report ng Senado na inilabas ng COA noong Mayo 10, 2022. Ang electronic copy ng ulat ay maa-access online sa opisyal na website ng komisyon.
Ang breakdown ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ay nagpakita na ang “Other Maintenance and Operating Expenses” ay lumolobo ng P181 milyon taun-taon mula P1.272 bilyon sa P1.453 bilyon.
Kasama sa item na ito ang mga representation expenses sa mga pagpupulong at pampublikong pagdinig, mga gastos sa pag-imprenta at paglalathala, mga donasyon, mga subscription, at ang halaga ng upa.
Ang upa sa Senate Building noong nakaraang taon ay binayaran sa Government Service Insurance System (GSIS) na nagkakahalaga ng P193.08 milyon habang ang parking spaces ay nagkakahalaga ng P94.62 milyon na binayaran sa Social Security System (SSS).
Naitala rin ang mga pagtaas sa Travelling Expenses mula P278 milyon at naging P315 milyon o pagkakaiba ng P37 milyon; at Confidential, Intelligence, and Extraordinary Expenses mula P443 milyon hanggang P479 milyon para sa P36 milyon na pagtaas.
Iniuugnay ng Senado ang pagtaas ng paggastos sa legislative work and related functions at mga kaugnay na tungkulin na hinigpitan ng health protocols sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“The increase in Travelling Expenses was due to increase in local and foreign travels incurred by the Senators and their staff, Secretariat officials and other employees in the pursuit of advocacies of the offices of the Senators, attend/conduct conventions, public hearings, events and activities as a result of relaxed rules on health and safety protocols,” ayon sa COA.