
NI MJ SULLIVAN
Nabulabog ang ilang residente sa Mindano region makaraang tamaan ng magnitude 4.9 na lindol kagabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, dakong alas-8:44 ng gabi nang maramdaman ang nasabing lindol na ang sentro ay nakita sa layong 015 km timog silangan ng Tabina, Zamboanga Del Sur.
May lalim itong 012 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity IV sa Guipos, syudad ng Pagadian, Molave, Dinas, at Labangan, Zamboanga del Sur at intensity III sa Tigbao, Sominot, Josefina, Ramon Magsaysay, at Pitogo, Zamboanga del Sur; Liloy, Tampilisan, Sindangan, at Sergio Osmeña, Zamboanga del Norte.
Intensity II naman ang naramdaman sa Kumalarang, Dumingag, at Bayog, Zamboanga del Sur; lungsod ng Dipolog, Polanco, Katipunan, at Leon B. Postigo, Zamboanga del Norte; lungsod ng Cotabato habang intensity I naman sa lungsod ng Zamboanga at syudad ng Iligan.
Sa instrumental intensities naman ay naitala ang intensity IV sa Molave, Zamboanga del Sur; Kapatagan, Lanao del Norte at intensity III sa Sindangan, Zamboanga del Norte habang intensity II sa Dapitan City, at Liloy, Zamboanga del Norte.
Gayundin, ang intensity I sa Alamada, Cotabato; Kalamansig, Sultan Kudarat; Talakag, Bukidnon, at lungsod ng Cagayan de Oro.
Wala namang naiulat na danyos sa nasabing paglindol at wala ring inaasahang aftershocks sa mga susunod na araw.
Samantala, may naitala ring paglindol sa Ilocos Sur kaninang madaling-araw.
Base sa datos ng Phivolcs, ganap na alas-3:19 ng madaling-araw nang tumama ang magnitude 3.6 na lindol sa layong 021 km timog kanluran ng Santa Catalina, Ilocos Sur.
May lalim itong 009 km at tectonic ang origin.
Sa instrumental intensity, naitala ang intensity I sa Vigan City, Ilocos Sur.