
NI MJ SULLIVAN
Asahan na ang pagkakaroon ng mas maraming ulan sa malaking bahagi ng bansa partikular sa hapon o gabi na makakatulong sa epekto ng El Nino phenomenon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maliban sa pag-ulan, makakaranas din ng kulog at kidlat sa ilang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Obet Badrina, PAGASA weather specialist, ang southwesterly surface wind flow at ang frontal system ay magdudulot ng mas maraming ulan, pagkulog-pagkidlat sa loob ng 24-oras na makakaapekto sa Hilaga at Gitnang Luzon, kabilang ang Metro Manila.
Sa frontal system, magsasanib ang malamig at mainit na hangin na magdadala ng maulap na papawirin na magdudulot ng ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Nagbabala ang PAGASA sa mga nasabing lugar sa flash floods o landslides dahil sa mga malalakas na pag-ulan.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas pa rin ng mainit at maalinsangang panahon na may kasamang minsang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat sa tuwing may malakas na pag-ulan at pagkulog laban sa pagguho ng lupa o flash floods partikular sa mga lugar na kilalang madalas na nakakaranas nito.