
NI NOEL ABUEL
Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang pinatawan ng contempt ng Senado dahil sa pagsisinungaling sa kontrobersyal na nakumpiskang 990-kilogram shabu kamakailan sa Manila.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, nagkaisa ang ilang senador na tuluyang i-contempt si Police Captain Jonathan Sosongco, pinuno ng PNP Drug Enforcement Group (DEG) Special Operations Unit 4A at kasamang nag-operate sa nasabat na halos 1 toneladang shabu .
Una nito, makailang beses na inusisa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng komite, at nina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at Senador Robinhood Padilla, si Sosongco hinggil sa pagkakakilanlan ng informant sa nasabing illegal na droga.
Ngunit makailang beses na tumanggi si Sosongco na sabihin nito ang pangalan ng informant kasabay ng pagsasabing sa telepono lamang nito nakakausap ang source at hindi sa personal.
Nang hingin ni Dela Rosa ang cell phone number ng sinasabing informant ay biglang nagbago ng pahayag ang PNP official sa pagsasabing wala na sa pag-iingat nito ang ginamit na cell phone sa pakikipag-usap sa informant.
“Your honor, wala na po ‘yung cellphone ko na gamit po…’Yung cellphone na ginagamit sa trabaho hindi naman ito ang ginagamit. Wala na, your honor,” sabi ni Sosongco sa pag-uusisa ni Dela Rosa na nagsabing nagmamatigas itong ibigay ang cell phone.
Dahil sa kaduda-dudang pahayag ng nasabing opisyal ay naghain ng mosyon si Padilla na i-contempt Sosongco.
“Sobra na itong panloloko na ginagawa sa atin dito. Nauubos na ‘yung oras natin dito. Sobrang magsinungaling ‘to. Tinatawagan mo tapos wala kang number? Ano ba? Ganon ka na lang manloko sa committee na ito? Dalhin ‘yan sa baba,” ani Dela Rosa.
Sa nasabi ring pagdinig, walang nakuhang impormasyon ang mga senador sa itinuturong miyembro ng drug syndicate na si dating Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. matapos na manatiling tikom ang bibig.
Si Mayo ang sinasabing tumangay sa nawawalang 42 kilos ng shabu na kasamang nakumpiskang P6.7 bilyong illegal na droga.
Tinawag din ni Dela Rosa ang mga isinasangkot na iba pang PNP officials na sina PLTCol. Arnulfo Ibanez at PLTCol. Glenn Gonzales at PBGen. Narciso Domingo ng mga “walang bayag” dahil hindi pagsasabing na katotohahan sa sinasabing “cover up” sa nakumpiksang 1 toneladang shabu.
Sinabi pa ni Dela Rosa na naniniwala itong ilan sa mga nasabing opisyal ng PNP ang may kinalaman sa “cover up” kabilang sina Gonzales at Ibanez at Mayo para maitago ang tunay na nasa likod ng nakumpiskang illegal na droga.
