
NI NOEL ABUEL
Kinumpirma ni Senador Raffy Tulfo na banta sa seguridad ng bansa ang 40 porsiyentong pag-aari ng China state sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa pulong balitaan matapos ang pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Tulfo na may posibilidad na bawiin na ang 50-year franchise ng NGCP dahil sa nakuha nitong impormasyon na may nilabag ito sa kanilang prangkisa.
Nababahala rin aniya ito sa ulat na ang 40 porsiyentong pag-aari ng China state sa NGCP habang 60 porsiyento ay pag-aari ng dalawang Filipino subalit may kakayahan ang China na daigin ang huli.
Ito aniya ang dahilan kung kaya’t maaaring isabotahe umano ng China ang Pilipinas tulad na lamang ng power outrages kamakailan.
At sa pagbawi sa prangkisa, sinabi ni Tulfo na maghahanap ito ng mga ebidensya laban sa NGCP tulad na lamang ng pagtanggi nitong magbigay ng kanilang mga dokumento na kinakailangan para sa pag-audit.
Aalamin din aniya nito na sa kabila ng 50-taon ang prangkisa ng NGCP, apat na taon pa lamang ng operasyon nito ay nabawi na nito ang kanilang return of investment (ROI).
Sinabi pa nito na noong nagsagawa ang National Security Council sa NGCP ng inspeksyon ay nakita nito na bulnerable ang Pilipinas na maaaring masabotahe ng China ang national grid.
“Sa intel commmity nandu’n talaga ‘yung ang clear present danger dahil just imagine sa ating national grid, ang may control ay ang ibang bansa. Just imagine may sigalot ang Pilipinas at China pwede nila tayong gawan ng kolokohan kung gusto nila and we are vulnerable to that,” sabi pa ni Tulfo.
Idinagdag pa nito na malaking kalokohan na ang mga manual at instructions sa planta ng NGCP ay nakasulat sa Chinese character at hindi English.
“Isa pang nakakatawa, kung pupunta kayo sa planta ng NGCP, makikita ninyo sa kanilang instructions in Chinese character, at ang sabi nila kaya Chinese character ay dahil sa binili ito sa China”.
Tinugon naman ito ni Tulfo na kung Filipino ang mga technicians nito ay dapat na English ang instructions at manul at hindi Chinese.
Maging ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) ay hindi pinapayagan na makapasok sa loob ng NGCP para humingi ng ng dokumento sa isinasagawang pag-audit ng mga ito.
Aniya, panahon na ring magsagawa ng comprehensive audit sa transmission system at performance ng NGCP dahil na rin sa magkasunod na power outrages sa bansa.
Sinabi pa ni Tulfo na una nang kinausap nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sumang-ayon sa panukala nitong magsagawa ng comprehensive assessment sa NGCP at idetermina kung dapat na ibalik sa pamahalaan ang transmission sector.
Samantala, sinabi ni Senador Grace Poe, chairman ng Committee on Public Services na sa ilalim ng Republic Act No. 9511, ang NGCP ay may 50-year franchise, na nagsasaad ng “safe and reliable” transmission system sa bansa.
“Kalakip nito ang malaking responsibilidad na pagsilbihan ang publiko at sa oras na hindi ito magampanan nang maayos, maari itong bawiin. Hindi naman natin sasabihin na babawiin agad, pero bakit ilang taon na walang audit sa performance ng NGCP?” tanong nito.
“I would just like to remind you, we’re not making a unilateral conclusion here without further studies, but RA 9511 is clear that in a franchise, we may amend, we may alter and we may repeal your franchise if it is for the common good,” dagdag pa nito.
Ganito rin ang pahayag ni Senador Risa Hontiveros sa pagsasabing dapat na imbestigahan ang performance ng NGCP dahil sa kapalpakan ng serbisyo nito sa mga nakalipas na taon.
“Maybe it’s not just China’s control that we need to look at in this problem, but the performance of the NGCP itself. Maybe this time we need to look at its franchise whether it should be revoked rather than being a burden to millions of Filipinos,” sabi ni Hontiveros.
