
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magkasunod na malakas na paglindol ang ilang lalawigan sa Visayas region ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Base sa datos ng Phivolcs, unang tumama ang magnitude 4.4 na lindol dakong alas-5:59 ng madaling-araw na nakita ang sentro sa 006 km timog kanluran ng Hinundayan, Southern Leyte.
May lalim itong 006 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity IV sa San Juan, Hinundayan, Hinunangan, at Anahawan, Southern Leyte at intensity III sa Silago, Saint Bernard, at Libagon, Southern Leyte.
Intensity II naman sa Sogod, Padre Burgos, Malitbog, Macrohon, Bontoc, Liloan, at sa lungsod ng Maasin, ng nasabi ring lalawigan.
Habang sa instrumental intensities, naitala ang intensity V sa Hinunangan, Southern Leyte; intensity IV sa San Juan, Southern Leyte at intensity II sa Malitbog, Southern Leyte.
Isinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ang naging danyos at epekto ng nasabing malakas na paglindol.
Samantala, dakong alas-9:34 ng umaga nang tumama ang magnitude 3.5 na lindol sa nasabi ring lugar.
Mababa lamang ang lindol sa lalim na 001 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity III sa Hinunangan, Hinundayan, Anahawan, at Saint Bernard, Southern Leyte at intensity II sa San Juan, at Libagon, Southern Leyte.