
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na mahalaga ang pagtatayo ng regional specialty centers para mas maraming pasyente ang makinabang dito.
Sa kanyang Committee Report sa Senate Bill No. 2212 o ang “Regional Specialty Centers Act” sa plenaryo ng Senado ay nagbibigay-diin ng kagyat na pangangailangan na magbigay ng access sa mga espesyal na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga Pilipino sa buong bansa.
Ang substitute bill ay isang pagsasama-sama ng iba’t ibang panukala na may kaugnayan sa mga specialty hospitals and centers, na inihain nina Senate President Miguel Zubiri, at inakda rin ni Go at iba pang mga senador kabilang sina Sonny Angara, JV Ejercito, Francis Escudero, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, Imee Marcos, Robin Padilla, at Sherwin Gatchalian.
Sa kanyang sponsorship speech, ipinaliwanag ni Go na ang panukala ay naglalayong magtatag ng mga specialty centers sa mga piling Department of Health-hospital sa buong bansa, kasama ang mga mental health services.
“Hindi po dapat mahirapan ang ating mga kababayan na maka-access sa serbisyo ng gobyerno lalo na pagdating sa usaping kalusugan. Tayo po ang dapat maglapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga tao,” sabi ni Go.
“Ito ang dahilan kung bakit ko po isinulong ang mga Malasakit Centers— para ang gobyerno po ang lumapit sa mga tao, lalung-lalo na po yung mga mahihirap,” dagdag nito.
Sa pamamagitan ng paggamit ng mga imprastraktura at mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan na magagamit na sa mga ospital na ito, sinabi ni Go na ang pagtatatag ng mga specialty centers ay magiging mas cost-efficient, praktikal, at time-saving kumpara sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad.
Ang panukalang batas ay nag-uutos sa DOH na magtatag ng mga specialty centers sa mga natukoy na DOH-hospital sa bawat rehiyon sa loob ng limang taong takdang panahon.
Ang unang pagtutuon ay ang mga heart, lung, and kidney centers, na ginagaya ang mga kakayahan ng National Specialty Centers sa Metro Manila.
Kasama sa pamantayan para sa pagtatatag ng mga specialty centers ang pag-assess ng mga pangangailangan sa kalusugan sa populasyon, georaphical access sa ospital, pagkakaroon ng mga dalubhasang propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, at ang pagpapatakbo at financial performance ng ospital.
“After all, it is enshrined in our Constitution, as a matter of state policy, that ‘the State shall protect and promote the right to health of the people’ and that ‘the State shall adopt an integrated and comprehensive approach to health development which shall endeavor to make essential goods, health and other social services available to all the people at affordable cost’,” paliwanag pa nito.