Death penalty vs BOC, AFP, PNP sa smuggling activities

Senador Robinhood Padilla

Ni NOEL ABUEL

Mistulang sumabog sa galit si Senador Robinhood Padilla sa mga ahensya ng pamahalaan partikular sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa nangyayaring smuggling activities ng mga agricultural products.

Sa pagdinig ng Senate Agriculture Food and Agrarian Reform, hindi naitago ni Padilla ang galit sa walang ginagawang aksyon ng BoC at Department of Agriculture (DA) laban sa mga smugglers at wala pang napaparusahan.

“Magsasaka ang mga nahihirapan dito sa kabuhayan ng mahihirap na tao. Agricultural country tayo, sinasabing agricultural country tayo, pero nag-i-import tato, di ba nakakahiya ‘yan. Law enforcement  kayo. Pinamumugaran tayo ng smuggling. Sa tingin n’yo ba masaya ako na life imprisonment lang kayo?” sabi nito.

Kasabay nito, inihain ni Padilla ang Senate Bill no. 2214 na naglalayong amiyendahan ang Section 4 ng Republic Act 10845 o mas kilalang Anti-Agricultural Smuggling Act na nagpapataw ng parusang kamatayan  laban sa mga tauhan at opisyales ng BOC, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agency.

“We have to send a strong message that the large-scale agricultural smuggling, hoarding, profiteering, and cartel of agricultural products perpetrated by the officers and employees of the Bureau of Customs, are heinous and a threat to the very foundation of our society. Hence, there is a compelling reason to impose death penalty,” aniya.

“Large-scale smuggling and other pernicious activities are threatening the lives of the people by pushing them further to the brink of poverty and putting our country in grave food insecurity. All these while our customs administration remains riddled by persistent corruption and perversity,” dagdag niya.

Sa pag-uusisa ni Padilla sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kung may datos ito na nawawala sa kita ng mga lokal na magsasaka ay sinabi ni Engr. Rosendo So, chairman ng SINAG, na noong nakaraang taon ay aabot sa P10 bilyong halaga ng bigas, P6B hanggang P7B sa karneng baboy at manok gayundin sa sibuyas ay P3B hanggang P4B ang nalulugi dahil sa smuggling

Dinagdag pa ni So na naniniwala itong may sabwatan sa pagitan ng ilang tauhan ng BOC at ng mga smugglers sa pagpasok ng mga agricultural products dahil sa hindi aniya makakalabas ang produkto kung walang tiwaling tauhan ng BOC.

Samantala, sinabi ni Senador Cynthia Villar na simula nang maipasa ang Anti-Smuggling Act noong 2016 ay walang sinumang indibiduwal ang nasampahan ng economic sabotage ang BOC kung kaya’t dismayado ito na walang ginagawang aksyon ang ahensya.

Ipinagtataka ni Villar kung bakit ayaw ipatupad ng BOC ang National Single Border Facility na taong 2019 bagama’t binigyan ito ng pondo at ng National Window System.

“Ayaw ninyong tumulong, gusto n;yong kumita,” giit ni Villar.

Sa pagtatanong naman ni Senador Risa Hontiveros kay Atty. Vincent Philip Maronilla, assistant commissioner, post clearance audit group ng BOC hinggil sa mga nakasuhang smugglers, sinabi ng huli na simula 2018 aabot sa 142 kasong large scale na paglabag sa RA 10845 ang naisampa ng ahesya na may kaukulang P1.4 bilyong duty total value ng sibuyas, asukal, karneng baboy, manok at assorted products.

Leave a comment