Solons sa NBI, PCC at DA: Imbestigahan ang tinaguriang ‘Sibuyas Queen’

Rep. Mark Enverga at Rep. Stella Luz Quimbo (photo credit to HOR)

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan ang ilang kongresista sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Competition Commission (PCC) at Department of Agriculture (DA) na hubaran ng maskara ang nasa likod ng tinaguriang onion cartel.

Ayon kay Marikina City 2nd district Rep. Stella Luz Quimbo dapat na masusing tingnan ang naungkat ng House Committee on Agriculture and Food hinggil sa usapin ng mataas na presyo ng sibuyas at makabuo ng kaso laban sa mga nasa likod nito.

Lumabas sa ika-9 na pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga na buhay na buhay ang cartel ng sibuyas sa bansa.

Sa pulong balitaan ay tahasan ding inihayag ni Quimbo na “undisputed” sibuyas queen umano ang negosyanteng si Leah Cruz na kumokontrol umano sa onion importation, cold storage facilities, at trucking companies.

Giit pa ni Quimbo, si Cruz ang umano’y nasa likod ng price manipulation at hoarding ng sibuyas gamit ang partner nitong Philippine (Vegetable Exporters and Vendors Association Philippines, Inc.) group of companies o PhilVIEVA.

Dagdag pa ng kongresista, ang pagtaas sa presyo ng sibuyas na umabot sa P700 kada kilo ay kagagawan ng onion cartel na pinangungunahan umano ni Cruz.

Sinabi naman ni Enverga na hindi nito isinasantabi na may mga indibidwal na posibleng makasuhan dahil sa labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas nitong nakalipas nataon.

Bagama’t wala pang pinapangalanan ang kongresista, tinitiyak nitong muling pag-aaralan ng kanyang komite ang lahat ng naging diskusyon sa isinagawang pagdinig at imbestigasyon.

Matatandaang Pebrero ng nakalipas na taon nang umpisahan ng komite ang motu propio investigation dahil sa isyu ng mataas na presyo ng sibuyas at nitong gabi ng Miyerkules lamang tuluyang natapos.

 “I think this time mas malakas po ang ebidensiya na nagli-link na naman sa kanila,” sabi ni Enverga.

Ayon pa kay Enverga, si Cruz ay nagawang makapasok sa industriya ng sibuyas bago pa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tinukoy ni Enverga si dating DA Secretary William Dar, ang malaki ang dapat na ipaliwanag sa nasabing usapin.

“Based on the diagram presented by Cong. Stella Quimbo, former Sec. Dar has a lot of explaining to do. Katulad ng sinabi rin ni Cong. Stella for a cartel to fly kinakailangan may kasama rin sa gobyerno, hindi mangyayari ang cartel o hindi magiging successful iyung operations kung walang kasabwat,”  ani Enverga.

Ayon pa kay Quimbo ang kumpanya ni Cruz ang nakakuha ng 68.74 porsiyento ng kabuuang imported volume ng puting sibuyas noong 2022 na nasa 5,445.66 metriko tonelada.

Habang sa pulang sibuyas, ang importers na kontrolado umano ni Cruz ay nakakuha ng 7,648 MT, o 41 porsiyento ng kabuuang imported volume noong nakaraang taon.

“Klaro na patuloy siyang nag-import ng sibuyas despite all her denials. Nagsinungaling siya sa atin sa Kongreso bagama’t siya ay under oath,” sabi ni Quimbo sa pulong balitaan.

“Ang katanungan, paano napayagan ng Bureau of Plants Industry (BPI) na patuloy na makapag-import si Leah Cruz despite being blacklisted. May nagbubulag-bulagan ba o lantarang nakikipag-sabwatan ang BPI sa pandaraya sa taumbayan?” tanong pa ni Quimbo.

Ang BPI ay attached agency ng DA at in charge sa monitoring ng estado ng onion supply sa bansa.

“Kung sa unang hearing, si Leah Cruz ay denial queen, by hearing no. 9, para sa amin, siya ang undisputed Sibuyas Queen,” ayon pa sa Marikina solon at vice chair ng Committee on Appropriations.

“Kaya nananawagan po kami sa NBI, Philippine Competition Commission, at sa enforcement unit dito sa loob ng DA, sana po, pagtulungan po natin lahat–or pagtulungan ninyo po at this point, nasa inyo na po ang bola–balatan po ninyo ang onion cartel,” apela pa ni Quimbo.

Samantala, pinuri naman nina Enverga at Quimbo si Pangulong Marcos sa pagbibigay pansin sa problema sa kartel ng sibuyas sa pamamagitan ni House Speaker Martin Romualdez.

Magugunitang si Romualdez ang nag-utos na magsagawa ng House inquiry noong Pebrero upang masagot ang katanungan ng publiko sa biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas.

“Itong cartel na ito, alam naman natin na matagal na matagal na talaga itong problemang ito. At kung ngayon lang talaga natin finally, kahit paano nakita na natin ‘yung tip of the ice berg…feeling ko ngayong lang talaga natin nalagyan ng handle itong problem na ito. Hindi tayo aabot sa ganitong punto kung hindi dahil sa suporta ng President through Speaker Martin [Romualdez],” pahayag pa ni Quimbo.

Leave a comment