
NI NERIO AGUAS
Naabo ang malaking bahagi ng Manila Central Office makaraang tupukin ng apoy kagabi na tumagal hanggang ngayong araw.
Ayon sa ulat, umakyat sa general alarm ang sunog kung saan awtomatikong rumesponde ang lahat ng himpilan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Metro Manila at karatig-lalawigan upang aapula ang apoy kasama ang mga fire volunteers.
Sinabi ni BFP-National Capital Region chief Fire Chief Superintendent Nahum Tarroza na sa nasabing sunog, lima ang iniulat na nasaktan kabilang ang ilang bumbero na nahirapan sa paghinga dahil sa usok at ang iba ay tinamaan ng falling debris.
Isa sa mga sugatan na nakilalang si Toto Roslin, 43-anyos, na nagtamo ng sugat sa kanang kamay.
Nabatid na linggo ng gabi nang magsimula ang sunog sa basement ng Manila Central Office kung saan nakaimbak ang ilang papel at iba pang kagamitan at ang maintenance room at storage room.
Ayon pa sa ulat, dakong alas-11:41 ng gabi nang ilagay ang first alarm at makalipas na itinaas sa Task Force Delta bago mag-umaga hanggang sa itaas sa general alarm at ideklarang under control ganap na alas-7:22 ng umaga.
Isinusulat ang balitang ito ay inaalam pa kung masasagip pa ang Manila Central Post Office dahil sa tinamo nitong pagkasunog.
Ang Manila Central Post Office na isang national historical landmark ay itinayo noong 1920s at nasira noong ikalawang digmaang pandaigdig bago muling isinaayos at ngayong nasunog ito ay malaki ang posibilidad na hindi na masagip.
