
Ni NOEL ABUEL
Pinakikilos ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang Department of Public Works and Highway (DPWH) at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maghanda na sa posibleng pananalasa ng super typhoon Betty (International name: Mawar) na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend.
Ayon kay Revilla, maliban sa DPWH at DSWD dapat ding kumilos ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang hindi lumala ang sitwasyon.
Si Revilla na siyang chairman ng Senate Committee on Public Works ay nagpahayag na kailangan umanong maging proactive sa halip na maging responsive dahil hindi umano kakayaning may mawala kahit na isang buhay dahil sa kawalan lamang ng paghahanda sa bagyong.
Binigyang diin ni Revilla na dapat ay tiyakin ang integridad ng mga pampublikong imprastraktura at siguruhin na bawat tulay, daan, gusali, at iba pa ay nasa maayos na lagay at walang mapahamak kahit isa.
“’Yung mga poste na madalas tumutumba kapag may bagyo, mga billboard na bigla-bigla na lang bumabagsak, at iba pang imprastraktura na alam ninyong dilapidated na – isama ninyo ‘yan sa mga agarang aayusin dahil ‘yan ang madalas makadisgrasya. Kailangan handa para mabawasan ang epekto ng bagyo,” paalala ni Revilla sa DPWH.
Una nang sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na namataang papalapit na tropical cyclone ay posibleng maging isang super typhoon na nasa 2,330 kilometro ang layo mula sa silangang bahagi ng Mindanao.
“Dapat ay handa na ang DSWD sa mga oras na ito pati ang kanilang mga ipamimigay na relief packs. Siguruhin nilang secured ang mga ito at hindi babahain at masasayang lamang. Sa kanila nakasalalay ang buhay ng bawat indibidwal pagkatapos ng sakuna. You have been preparing for this so we hope that you are prepared,” pagtitiyak pa ni Revilla sa DSWD.
Ipinaalala pa ni Revilla na ilang ulit nang pinagdaanan ng mga Filipino ang ganitong sitwasyon, kasama iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, NDRRMC at Office of Civil Defense, lalung-lalo na ang mga local government units na silang unang reresponde sa ating mga kababayan kaya dapat umanong magtulungan at maging mapagmatyag.
“Wala po akong ibang hangarin kung hindi ang kaligtasan ng lahat. Kaya dapat ay patuloy na mag-ingat at sumunod sa ipag-uutos ng pamahalaan para lahat ay maging ligtas. Dalangin ko na sana ay makaraos tayo sa nagbabadyang sakunang ito ng walang masasaktan kahit isa,” pahabol pa ni Revilla.