
Ni NOEL ABUEL
Pinatawan ng contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at anim na iba pa matapos na hindi magustuhan ng mga senador ang pagsisinungaling nito sa tinaguriang “cover-up” kaugnay ng P6.7 bilyong shabu na nakumpiska sa Maynila noong nakaraang taon.
Kasama sa na-contempt ang tinaguriang kabilang sa drug syndicate na si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. at si National Capital Region (NCR) Drug Enforcement (DEG) officer-in-charge Lt. Col. Arnulfo Ibañez.
Gayundin sina Police Master Sgt. Carlo Bayeta, Patrolman Hasan Kalaw, Patrolman Dennis Carolina, Patrolman Rommar Bugarin at Patrolman Hustin Peter Gular.
Ang limang pulis ay na-contempt matapos itanggi ng mga ito na hindi naging bahagi ng paghuli kay Mayo sa kabila ng itinuro ito ni Police Capt. Jonathan Sosongco, ang pinuno ng arresting team.
Iginiit ng mga ito na hindi si Mayo ang kanilang huhulihin kung hindi isang Ney Atadero, na sinasabing accomplice ng una na nahuli sa WPD Lending Company.
Si Mayo ay nahuli sa Bambang, sa Tondo, Manila kung saan nakumpiska ang nasa 990 kilograms ng shabu.
Sa pagdinig, hindi nagustuhan nina Ronald “Bato” del Rosa, chairman ng komite at Senador Raffy Tulfo ang patuloy na pagtanggi at pagsisinungaling sa pagdakip kay Mayo noong nakalipas na Oktubre 2022.
Paliwanag ni Dela Rosa, isinama nitong kasuhan ng contempt si Mayo sa kabila ng hawak ito ng Bureau of Jail Management of Penology (BJMP) dahil sa kasong kriminal na kinasasangkutan nito na may kinalaman sa nasa 1 toneladang shabu, dahil sa pagigiit ng ‘right to remain silent’ .
Kahit anong tanong ng mga senador kay Mayo ay hindi ito sumasagot kung kaya’t walang makuhang impormasyon ang nasabing komite kung kaya’t nagdesisyon si Tulfo na maghain ng mosyon na kasuhan ng contempt.
Habang si Ibañez, ay na-contempt din dahil naman sa pagtangging sagutin ang tanong ng mga senador at ang tanging sagot nito ay wala itong alam sa ginagawa ni Mayo.
Nabatid na si Mayo, ay ‘bata’ ni Ibañez na kinuha nito mula sa Mindanao patungo sa PDEG.
Paliwanag ni Dela Rosa, bagama’t nakakulong sa BJMP si Mayo nais nitong makasiguro na hindi makakalabas ng piitan sa sandaling maabsuwelto ito sa kaso dahil sa technicalities ay makukulong naman ito sa Senado .
“Kapag napawalang sala si Mayo dahil sa posibleng technicalities, kapag lumabas, kayo sa BJMP huwa ninyong i-release agad, contact the Senate sergeant at arms for him to be in the custody of Senate,” sabi ni Dela Rosa.