
Ni NOEL ABUEL
Tinukoy ng pinakamalaking delegasyon ng negosyo mula sa European Union (EU) ang Pilipinas ang pinakakaakit-akit na destinasyon ng pamumuhunan sa buong mundo lalo na para sa kanilang grupo.
Ito ang ipinarating na impormasyon kay Speaker Ferdinand G. Romualdez ng mga kinatawan mula EU na ipinagmalaki na ang Pilipinas ang nais ng mga itong destinasyon ng pamumuhunan sa buong mundo.
Sa kanilang pagpupulong kay Romualdez, anim na kinatawan mula sa bumibisitang EU-ASEAN Business Council (EU-ABC) na binubuo ng kabuuang 70 delegado mula sa 36 European multinational companies ang nagpahayag ng kanilang interes na palawakin ang EU-business and trade relations sa Pilipinas dahil sa kumikinang at malakas na economic performance ng bansa.
Nagpasalamat si Romualdez sa EU-ABC at ipinaalam din nito sa kanila ang mga hakbangin ng Kongreso, alinsunod sa mga patakaran ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at mga aktibidad sa ekonomiya.
“We’re here to see how can help. We would like to support, we would like to assist. We’d like to be aware of the challenges so we could address them together,” pagtitiyak ni Romualdez sa mga kinatawan ng delegasyon ng EU.
Ipinarating ni Noel Clehane, Global Head of Regulatory & Public Policy for BDO and Board Member of EU-ABC, kay Romualdez na nakikipag-ugnayan na ito sa mga mambabatas ng EU upang itulak ang isang malayang kasunduan sa kalakalan sa Pilipinas.
“We have been highlighting to them that this region (ASEAN), particularly the Philippines, is the most attractive in the world for European businesses,” sabi ni Clehane.
Aniya, ang kanilang pananabik tungkol sa pagnenegosyo sa Pilipinas ay dala ng taunang survey na kanilang ginagawa sa nakalipas na walong taon.
Bilang resulta, ang mga mambabatas ng EU ay naging alerto na palawakin ang pakikipag-ugnayan sa pagnenegosyo sa Pilipinas.
Pinuri rin ni Jens Ruebbert, delegation head, Managing Director & Regional Head Asia/Pacific for Landesbank Baden-Wurttemberg at Vice Chairman ng EU-ABC, ang malakas at solidong economic fundamental ng Pilipinas.
Nabatid na ang Philippine Gross Domestic Product (GDP) ay lumago ng 7.2 percent sa fourth quarter ng 2022, na nagresulta sa 7.6 percent full-year growth noong 2022, at lumaki ng 6.4 percent sa unang quarter ng 2023.
“That’s extremely well recognized in the business world,” sabi ni Ruebbert.
Binanggit din nito na ang inflation ay patuloy na bumababa, ang piso ay stable kumpara sa pera sa ibang mga bansa, habang ang interest rate environment ay isang equation ng kung ano ang nangyayari sa mundo.
“Probably the highest hike in the region has helped you to sustain and get things under control. So big congratulations for the economic situation, which is I think the basis for motivating European Union and other foreign companies to further invest and further extend trade with the Philippines,” ayon pa kay Ruebbert.
Binanggit din ni Ruebbert na sa isang hiwalay na pagpupulong kay Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Felipe Medialla, ang huli ay nagpakita ng napakaganda at malinaw na landas ng ekonomiya at landas ng pagbawi na tinatahak ng Pilipinas ay nasa napakahusay na landas.
“Forty percent of the world supply chain pass through your territorial waters or at least close to it. So the geopolitical reasons for doing it (EU-PH free trade agreement) are significant; the economic reason are compelling,” ayon pa kay Ruebbert.