Pagtutulungan ng public-private sector kailangan para sa globally competitive ng bansa– Angara

Senador Sonny Angara

Ni NOEL ABUEL

Napapanahon na para ipakilala at ipalaganap ang mga produktong Pinoy at ihanay sa mga naglalakihang ekonomiya sa buong mundo.

Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara kung saan matapos ang ilang taong pagsasagawa ng multi-sectoral consultations kasama ang pribado at pampublikong sektor, ang kailangan aniya ngayon ay isang total national effort na nakatutok sa pagpapalago ng mga produktong Pilipino na de kalidad, hindi karaniwan at maipagmamaliki sa buong mundo.

Aniya, kung nais ng gobyerno na tuparin ang nilalaman ng Philippine Development Plan at abutin ang target nitong 6.5-8% growth rate mula 2024 hanggang 2028 o hanggang sa mga susunod pang taon, kailangang pagsikapan ito ng mga kinauukulan.

At bilang roadmap o basehan sa pagsasakatuparan ng layuning ito, inihain kamakailan ni Angara ang Senate Bill No. 2218, na nag-aatas sa pagbuo, pagpopondo, pagpapatupad, pagmo-monitor at pag-aaral sa isang komprehensibo at isang multi-year Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Strategy.

Sa ilalim ng panukalang Tatak Pinoy Act, inaatasan ang mga ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa pribadong sektor upang masigurong ang mga nabuong estratehiya at interventions ay nakatuon sa pagpapalawak at pagpapalakas ng kapasidad ng mga lokal na negosyo.

“Tinawag nating Tatak Pinoy o Proudly Filipino ang adbokasiya nating ito dahil naniniwala tayo na sa pamamagitan nito, marami tayong maisasakatuparan. Isa na riyan ang maipakilala at maipalaganap sa buong mundo ang ating mga produkto at serbisyo na pagdating ng araw ay tiyak na maipagmamalaki nating lahat,” ani Angara sa kanyang inihaing panukala.

Nang pasimulan ni Angara ang kanyang Tatak Pinoy advocacy noong 2019, ilang panukalang batas ang kanyang inihain kaugnay nito at naglahad ng mahahalagang inisyatibo sa General Appropriations Act.

Maliban dito, patuloy rin ang kanyang pakikipagdayalogo sa mga industry associations, sa mga eksperto mula sa academe, sa LGUs at sa iba’t ibang ahensya at tanggapan ng gobyerno na sumusuporta sa layunin ng senador na mas mahulma ang kakayahan ng local industries upang makalikha ng mas maraming de kalidad na trabaho para sa mamamayan.

Kabilang sa mga isinusulong ni Angara ang institusyonalisasyon ng Shared Service Facilities project ng Department of Trade and Industry; ang National Quality Infrastructure; Poverty Reduction Through Social Enterprises Act; ang Innovation Fund; research and development para sa sektor ng agrikultura at ang pagpabor ng gobyerno sa mga produkto ng mga lokal na manufacturer o supplier.

“Mahalagang magkaroon tayo ng mas komprehensibo at kinakailangang pagbabago para mapaangat ang mga lokal na industriya. Sa pamamagitan nito, mas mabibigyan sila ng pagkakataong makapag-produce ng sari-sari at mga sopistikadong produkto at serbisyo na magiging daan para sa paglago ng kanilang mga negosyo at pati na din ng ating ekonomiya,” ayon pa kay Angara.

Paliwanag nito, napakaraming malikhain at magagaling na Filipino na may malawak na kaalaman sa teknolohiya na maaaring makatulong sa produksyon ng sophisticated at globally competitive products.

Sa kasalukuyan, ilang malalaking kumpanya sa buong mundo ang may planta sa Pilipinas tulad ng Collins Aerospace na isang pandaigdigang supplier ng aerospace and defense products. Nariyan din ang Dyson na isa namang manufacturer ng mga makabago o modernong kagamitang pambahay.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga kinatawan ng iba’t ibang industriya, isa sa kanyang madalas itanong sa mga ito kung ano ay ang maitutulong ng gobyerno upang mas mapalakas ang kanilang sektor.

At bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakapaglahad na rin ng ilang inisyatibo si Angara sa ilalim ng national budget bilang tugon sa mga kahilingan ng pribadong sektor at bilang pagsuporta sa kabuuan ng mga lokal na industriya.

“Kung may kakayahan ang Pilipino na gumawa ng ibat-ibang piyesa ng produkto tulad ng eroplano at kotse, bakit hindi natin hangarin na makabuo rin ng sarili nating mga sasakyan na maaari nating i-export at makalikha ng mas marami pang dekalidad na trabaho dito sa bansa? Ito ang hangarin ng isinusulong nating Tatak Pinoy,” pahayag pa ni Angara.

Ayon sa panukala, isang Tatak Pinoy Strategy (TPS) ang bubuuin, popondohan, ipatutupad, imo-monitor, sasailalim sa masusing pag-aaral at patuloy na palalakasin ng isang Tatak Pinoy Council na pamumunuan ng Socioeconomic Planning Secretary bilang chairman at ng mga kalihim ng Trade and Industry at Department of Finance bilang vice chairmen.

Ang organisasyon ng TPS ay alinsunod sa mga pundasyon tulad ng manpower, infrastructure, technology and innovation, investments at public fiscal management and government procurement.

“Kung makikita natin sa mga datos, ang mga bansang nakalilikha ng iba’t iba at mga ‘di pangkaraniwang produkto ay mas competitive at mas mauunlad kumpara sa mga bansang may mga produktong simple at limitado lang. Kung gugustuhin natin na mapahanay sa mga bansang ito, dapat ay pagsikapan din natin na makapaglikha ng mga tinatawag na complex products. Hindi lang nito mapalalakas ang ating ekonomiya, kundi makalilikha rin tayo ng de kalidad na trabaho na makapagbibigay ng mas mataas na sahod para sa ating mamamayan,” pahayag pa ni Angara.

Binigyan-diin ni Angara na ang pangunahing layunin ng kanyang adbokasiya ay maipakilala saan mang panig ng daidig na ang mga produktong Pinoy ay mataas ang kalidad at hindi pangkaraniwan.

“Mahalaga na dumating ang panahon na mas marami pa tayong malilikha na masasabi natin na tunay na Proudly Made in the Philippines,” ayon pa kay Angara.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s