
Ni NERIO AGUAS
Nagpahayag ng pagkabahala ang Bureau of Immigration (BI) sa pagtaas ng mga kaso na kinasasangkutan ng paggamit ng mga pekeng dokumento ng mga indibidwal na nagtatangkang bumiyahe sa ibang bansa.
Sa nakaraang linggo, nakaharap ang BI ng ilang mga kaso sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kung saan ang mga indibidwal na hinarang at pinigilan makalabas ng bansa dahil sa mga kuwestiyunableng dokumento.
Noong Mayo 21, isang lalaking pasaherong patungong Bangkok, Thailand, ang naharang sa NAIA Terminal 3.
Nagkunwa itong magbabakasyon ngunit sa masusing pagsusuri sa kanyang pasaporte ay nagpakita ng isang valid Malta Visa na may salitang “CANCELL” na nakasulat dito.
Nagduda and mga BI personnel sa visa, at nang sumailalim sa imbestigasyon ay umamin ito na inutusan na magpanggap bilang isang turista at ito ay talagang patungo sa Malta kung saanna-recruit sa tulong ng isang kamag-anak.
Sumunod naman and kaso ng dalawang babaeng biktima ang naharang sa NAIA Terminal 1 nang tangkaing bumiyahe patungong Dubai.
Nagpakita ang mga ito ng mga pekeng Kingdom of Saudi Arabia re-entry visa, sa kabila ng aktwal nilang intensyon na maghanap ng trabaho sa Dubai.
Ibinunyag ng isa sa mga biktima na nakilala nito ang isang recruiter sa Facebook, na nagbigay sa kanila ng mga pekeng dokumento sa labas lamang ng airport bago sila umalis.
At noong Mayo 23, nasabat ng BI ang dalawang babaeng pasahero patungo sa Poland sa NAIA Terminal 1 nang magpakita ng pekeng overseas employment certificates (OECs) na nabili ng mga ito sa Facebook sa halagang P500.