
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Christopher ”Bong” Go ang kahalagahan ng kahandaan ng gobyerno at kamalayan ng mamamayan habang papalapit ang Super Typhoon Mawar sa Philippine Area of Responsibility.
Aniya, dahil sa potensyal na magdulot ng malakas na pag-ulan at pagbaha ang bagyong Mawar o Bagyong Betty, dapat na makipag-ugnayan ang pambansang pamahalaan sa mga local government units (LGUs) upang matiyak ang kaligtasan ng mga nasasakupan ng mga ito at maisaayos ang mga maaapektuhang komunidad.
“Nakikiusap po ako sa national government, sa DSWD (Department of Social Welfare and Development), preposition of goods kaagad at coordination with LGUs,” sabi ni Go.
“Napakaimportante po ng coordination with LGUs dahil sila po ang nakakaalam kung saan dapat ilikas, saan ‘yung safe na lugar, saan dapat ‘yung evacuation center,” ani Go na nagsabing ang kahalagahan ng epektibong koordinasyon sa mga LGU ay importante.
“Sa ngayon pa lang, huwag tayong magpakakumpiyansa. Habang papasok pa lang, may panahon po tayo na mag-prepare. Sumunod tayo sa paalala ng gobyerno. Sundin natin kung kailangan na lumikas. Umalis na sa mababang lugar, ‘yung mga prone sa flooding dahil delikado ‘yan,” paalala pa nito sa taumbayan.
Hinimok ng senador ang mga mamamayan na manatiling makinig lamang sa mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon at sundin ang patnubay ng mga lokal na opisyal at awtoridad.
Iginiit pa ni Go ang pangangailangan ng mga LGUs na magkaroon ng mga nakahandang relief supplies, search and rescue teams, at angkop na kagamitan, kabilang ang mga tauhan na sinanay sa pagtugon sa emergency response.
Binigyan-diin ni Go ang pangangailangan ng mas maagap na mga hakbangin sa pagharap sa natural calamity na inulit ang kanyang matagal nang apela para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) sa pamamagitan ng kanyang iminungkahing Senate Bill No. 188, isang departamento sa antas ng gabinete na nakatuon sa pagtugon sa kalamidad at mitigation efforts.
“Hindi ‘yung panay task force, task force ng pangalan ng typhoon. Eh ang problema n’yan kapag bagong administrasyon, mawawala na naman po ang task force. Kaya dapat Cabinet level para tuluy-tuloy po ang rehabilitasyon at makabalik sa normal ang apektadong mga komunidad,” giit pa ni Go.