
NI NOEL ABUEL
Maganda balita para sa mga kawani ng pamahalaan.
Ito ay dahil sa ipinanukala ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagkakaloob ng libreng matrikula sa mga kawani ng gobyerno na kumukuha ng master’s degree sa mga state universities and colleges (SUCs).
Sa inihain nitong Senate Bill No. 2277, ang panukalang “Government Employees Free MA Tuition in SUCs Act,” ay naglalayong gawing libre ang tuition sa mga SUCs ng mga career at non-career na empleyado ng gobyerno na nais makapagtapos ng dalawang taon na masteral program.
“Ang mga kawani ng gobyerno ay may mahalagang papel sa human resources ng bansa kaya’t importante na mabigyan sila ng mga oportunidad na maitaas ang antas ng kanilang edukasyon at kasanayan. Sa pagpapahusay ng propesyonalisasyon ng mga empleyado ng gobyerno, mas magiging epektibo ang paghahatid ng serbisyo sa publiko,” ani Estrada.
Sinabi pa ng senador na may ilang ahensya na nagbibigay na ng scholarship grants tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Presidential Communications Office (PCO) sa mga kwalipikadong kawani na nagma-masteral.
“Marami empleyado sa ibang sangay ng gobyerno ang nagnanais na magpatuloy ng kanilang edukasyon para mapahusay ang kanilang personal na paglago, maisulong ang pag-angat sa kanilang karera at makapaglingkod sa publiko nang mas epektibo,” sabi ng senador.
Aniya, ang mga matataas na posisyon sa gobyerno na ibinibigay sa mga kawani na mayroong master’s degree ay upang masiguro na ang kawani ay may kakayahan sa pagganap ng kanilang responsibilidad at makagawa ng naayong mga desisyon para sa kanilang organisasyon.
Base sa Inventory of Government Human Resources (IGHR) ng Civil Service Commission (CSC) noong Hunyo 30, 2022, mayroong kabuuang 1,820,457 na career at non-career employees sa gobyerno.
Nabatid na ang gastusin sa pagkuha ng masteral degree ay nasa P800 hanggang P1,500 bawat unit o nagkakahalaga ng P19,000 hanggang P50,000 ang tuition para makakumpleto ng 24-unit program.
Bukod pa dito, may iba pang kaakibat na bayarin para sa pagtatapos ng nasabing programa.
Para maging kwalipikado sa panukalang batas, ang mga non-career contractual government personnel ay dapat nasa serbisyo ng hindi bababa sa limang taon at pumasa sa entrance examination at iba pang admission at retention requirements ng SUCs.
Ang mga nagawaran na dati nang mga government-sponsored graduate education scholarships sa anumang higher education institution, pampubliko man o pribado, dito o sa ibang bansa ay hindi na kwalipikado.
Maliban pa dito, ang mga bigong makatapos ng kanilang master’s degree sa loob ng prescribe period ng kanilang graduate education program ay agad na madi-disqualify.
