
Ni NOEL ABUEL
Target ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na agad na matalakay at maipasa ang 2024 national budget kasabay ng pagtalakay sa mga priority bills ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. bago matapos ang taon.
Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang Kongreso ay magkakaroon ng dalawang pangunahing pagtutuon para sa natitirang bahagi ng 2023: ipasa ang mungkahing P5.768 trilyon na National Expenditure Program (NEP) para sa 2024 sa takdang oras at aprubahan ang natitirang mga panukalang batas na itinakda bilang priority measures sa 2nd Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na pinamunuan ng Pangulo noong Miyerkules.
“Mas lalong magtatrabaho ang inyong Kamara de Representantes sa pagbubukas ng 2nd Regular Session nitong kasalukuyang buwan na ating sisimulan sa SONA ng ating Pangulong Marcos,” sabi ni Romualdez.
“With our firm commitment to approve the remaining priority measures agreed upon during the LEDAC meetings, various House panels will continue working during committee deliberations of the proposed 2024 NEP,” aniya pa.
“When the House starts Plenary deliberations of the national budget, some committees may be authorized to pursue the performance of its mandate of passing vital pieces of legislation,” dagdag pa nito.
Isinalarawan ni Romualdez ang Kamara na nag-o-overtime para komprehensibong suriin ang pambansang badyet sa bisa ng mandato nitong “power of the purse” at, kasabay nito, isagawa ang pagtalakay sa mga priority measures ng administrasyong Marcos.
Sinabi niya na kung ang pagiging produktibo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa unang taon ng 19th Congress ay anumang indikasyon, kumpiyansa ito na magagawa ng Kamara ang mga layunin nito para sa natitirang bahagi ng 2023.
“If members of the House of Representatives will work with the same passion and vigor they exhibited during the First Regular Session, I have no doubt that we can do better this time around,” sabi pa ni Romualdez.
Sa unang 10 buwan ng 19th Congress, ang Kamara ay nagproseso ng kabuuang 9,600 mga panukala: 8,490 na panukalang batas, 1,109 na mga resolusyon at isang petisyon. Ito ay may average na 30 panukala para sa bawat araw ng sesyon.
Naaprubahan din ng mga mambabatas sa ikatlo at huling pagbasa ang 33 sa 42 na panukalang batas na nakalista bilang priority measures ni Pangulong Marcos at ng LEDAC, na bahagi ng kabuuang 577 panukalang batas na ipinasa sa huling pagbasa, na kinabibilangan din ng P5.268 trilyon 2023 national budget.
At sa pagbubukas ng 2nd Regular Session bago matapos ang Hulyo, ang Kongreso ay tatalakayin ang P5.768 trilyon na panukala sa paggasta para sa 2024 at 20 priority bills ng LEDAC.
