
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng kagalakan si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa pagpasa ss Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong araw sa Malacañang.
Si Revilla ang may-akda ng Senate Bill No. 1405 o ang “Debt Burden Emancipation for Agrarian Reform Land Beneficiaries Act” na bumubuo sa Senate counterpart bill.
Nakapaloob sa bagong batas na ang lahat ng mga pautang na natamo ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo, kabilang ang principals at mga kaukulang interes, parusa, at dagdag-singil nito, mula sa lupang sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at iba pang mga programa at batas sa repormang agraryo.
“Sobrang nakakagalak ng puso na tuluyan nang naisabatas ang New Agrarian Emancipation Bill na iniakda at sinuportahan natin sa Senado. Isa itong malaking panalo para sa ating mga magsasaka na ngayon ay hindi lang may sariling lupa na sasakahin, kung di sila rin ay wala nang utang na papasanin ukol dito,” ayon sa senador.
“Malaya na nga ang ating mga magsasaka — silang mga matiyatiyagang kamay ng ating lipunan upang tayo ay magkaroon ng makakain. Hindi lang 610,054 agrarian reform beneficiaries ang makikinabang sa tagumpay na ito kung di ang kani-kanilang ring mga pamilya. Kasama nila tayong aagapay dito sa kanilang panibagong pag-ahon!,” dagdag nito.
Pinasalamatan din ni Revilla si Pangulong Marcos sa ginawang bahagi ng kanyang legislative priorities ang naturang panukalang batas.
“Taos-puso tayong nagpapasalamat sa ating mahal na Pangulo sa kanyang pangunguna para ang batas na ito na pangarap natin para sa ating mga magsasaka ay maisakatuparan. Ang ating magandang layunin para sa kanila ay nagbunga na,” aniya pa.
Nangako ito na patuloy nitong isusulong ang mga panukalang batas na magpapaunlad sa buhay ng mga magsasaka at kanilang pamilya.
“Lagi akong magiging kakampi ng mga magsasaka sa Senado para mas mapaganda pa ang kanilang buhay at kabuhayan. Patuloy tayong magpapanday ng mga makabuluhang polisiya para maiangat pa ang kanilang kapakanan,” sabi pa ni Revilla.
