Pagkakaroon ng NTSB panahon na – Sen. Poe

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Grace Poe na pananahon nang ipasa ang panukalang batas na magbubuo ng National Transportation Safety Board (NTSB) na mag-iimbestiga sa mga nangyayaring trahedya na kinasasangkutan ng eroplano, barko, railroad, highway at iba pa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe, na nag-imbestiga sa nangyaring trahedya sa paglubog ng MB Aya Express na nagresulta sa pagkasawi ng 27 pasahero at sa pananagutan ng ilang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Maritime Industry Authority (MARINA).

Giit ni Poe, mahalaga ang pagkakaroon ng NTSB na magsasagawa ng imbestigasyon at rekomendasyon sa kung sino ang dapat managot at mapatawan ng parusa.

Inihalimbawa pa nito na sa nangyaring paglubog ng bangka sa Bgy. Kalinawan, Binangonan, Rizal noong Hulyo 27, kung saan napatunayan ng nasabing komite na nagkaroon ng negligence sa panig ang PCG at MARINA kung kaya’t nangyari ang naturang trahedya.

“Sa ngayon sino ba ang nag-iimbestiga, MARINA at PCG, eh di ba sila ang nadadawit diyan? Ang MARINA sila ang nagbibigay ng permit kahit hindi sila nag-iinspeksyon nang husto sa bangka tapos ang PCG naglalagay sila ng tao na hindi man lang tinitingnan o bineberipika kung ilang tao ang pasahero. So sila rin ang mag-iimbestiga,” pahayag pa ni Poe.

“Unang-una habang ginagawa ang construction ng bangka dapat mayroon nang nag-inspect. Ito ba ay sumunod sa safety standards? Apparantely sabi ng may-ari ng bangka walang nagpuntang Marina official at nag-inspect,” dagdag pa nito.

Isa pa sa ikinagulat ng Poe na bagama’t walang kaukulang lisensya ang boat captain ng Aya Express na si Donald Anain mula sa MARINA ay pinayagan pa rin ito ng PCG na makapaglayag.

“Ang nakakagulat bakit nakakuha ng permit to operate kahit hindi naman na-inspect ang bangka na iyon. Parang nakikita ko sa Marina, parang ang daming shortcut. Siguro sabi nila maliit na bangka lang naman ‘yan, pabayaan na lang natin,” ayon pa sa senador.

Sinabi pa ni Poe na dahil sa naturang trahedya ay nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang PCG at MARINA kung sino ang dapat managot subalit duda itong may mapapanagot lalo na at sariling tao ng mga ito ang sangkot.

“Umaasa tayo na patas sila pero syempre mas mabuti kung mayroon nang organisasyon o department na titingin dito,” ayon pa sa senador.

Sa pamamagitan aniya ng NTSB ay makakapagpadala ng independent inspectors na pawang eksperto sa maritime concern na siyang kakalap ng impormasyon sa PCG, MARINA at sa mga pasahero at testigo.

“Pag nakalap na ang impormasyon pwedeng iyon ang maging basehan para maghain ng criminal complaint sa korte. Hindi naman ang NSTB ang magpapataw ng parusa kung hindi korte pa rin. At least mayroon nang official record na pwedeng isumite sa korte para madaling makapagdesisyon ang korte,” ayon pa dito.

Sa kasalukuyan ay nasa period of interpellation ng Senado ang nasabing panukala at may mga tanong pa si Senate Minority Leader Koko Pimentel hinggil dito.

Leave a comment