
Ni NOEL ABUEL
Inalmahan ni Senador Raffy Tulfo ang natuklasan nitong may programa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapadala ng mga high-ranking officials sa China para mag-aral at mag-training sa kanilang military academy at all expenses paid ng Chinese government.
Ang impormasyon na ito ay isiniwalat ni Senador Francis Tolentino at kinumpirma naman ni Usec. Ireneo Espino ng Department of National Defense sa pagdinig ng Committee on National Defense na pinamumunuan ni Senador Jinggoy Estrada.
Sinabi ni Tulfo na dapat agad-agad itigil ang programang ito ng gobyerno.
“Malaking insulto ito sa atin! Kung iisipin na walang patid ang ginagawang pang-haharass at pambu-bully ng Chinese military sa mga miyembro ng ating AFP sa West Philippine Sea,” saad nito.
Ang pinakabagong insidente ay noong Agosto 5 kung saan binomba ng water canon ng Chinese Coast Guard ang mga kawani ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na maghahatid lang sana ng supply sa mga tropa nila sa Ayungin Shoal.
Matatandaan na dati nang nanawagan sa AFP si Tulfo para baklasin na ang cellular tower ng isang telecommunications company na pag-aari ng China sa isang kampo ng militar.
“Ito ay maaring magamit ng China para mag espiya sa mga ginagawa ng ating AFP,” ani Tulfo.
May mga impormasyon din na nakarating sa senador na may mga kagamitang militar ang AFP, kasama na dito ang mga computer hardware, na ibinigay ng Chinese government.
Isang kahangalan umano kung patuloy pang tatangkilikin ng AFP ang mga bagay na galing sa Chinese government.
Kaya magpapasa si Tulfo ng Senate resolution in-aid of legislation para maimbestigahan at mapatigil na ang gawaing ito.
