Revilla nag-sponsor ng panukalang batas para sa local infra development

Senador Ramon”Bong” Revilla Jr.

Ni NOEL ABUEL

Nag-sponsor si Senate Committee on Public Works chairman at Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ng mga panukalang batas na mag-aangat sa local infrastructure development sa pamamamagitan ng pagbuo ng iba’t ibang district engineering offices, conversion of roads, at renaming of thoroughfares.

Ang pagbuo ng additional district engineering offices (DEOs) ay makatutulong sa lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa imprastraktura sa kani-kanilang nasasakupan kaya isinumite ang House Bill Nos. (HBN) 1043, 7508, at 7577 na naglalayong bumuo ng DEOs sa Negros Occidental, Southern Leyte, at Zamboanga City.

Nag-sponsor din sa Revilla sa HBN 7234 na layon namang ire-number ang DEOs sa Cebu.

“Inaalalayan natin sila habang tinatahak nila ang bawat hakbang tungo sa paghahatid ng pangangailangan sa kanilang mga nasasakupan. This will make services accessible to the localities. Ito ang magiging tulay nila upang matamasa ang kanilang mga adhikain at pangarap na maaari lamang maisakatuparan sa pamamagitan ng mga makabuluhang proyektong pang-imprastraktura,” saad ni Revilla sa kaniyang sponsorship speech.

Kabilang pa sa inisponsoran ni Revilla ang HBNs 1028, 1029, 1030, at 1031 na magku-convert sa Sawang-Malacas Road sa Romblon, Romblon; Road stretching mula Brgy. Tuguis, Odiongan hanggang Brgy. Tugdan, Alcantara, Romblon; Road stretching mula Sitio Bolinao Boliganay, Brgy. Panique, Odiongan hanggang Sitio Kabaliwan, Brgy. Bachawan, San Agustin, Romblon; at Sablayan-Agpanabat-Bagacay Road, na bahagi ng Romblon Circumferential Road, na maging mga national roads.

“In converting these roads, the LGUs are unburdened of the responsibility of maintaining these highly useful and valuable roads so that they can focus their resources more to the needs of their local government; while entrusting to the national government the preservation of these roads, which is their expertise,” pahayag pa ni Revilla.

Inisponsoran din ni Revilla ang HBNs 606, 6688, 6694, at 7126 na naglalayong palitan ang mga pangalan ng iba’t ibang kalye sa bansa.

“What more can we give our community heroes than to immortalize their legacies? This is the primary goal of these road renaming bills. We seek to honor those who were once with us, and contributed immensely, in our efforts towards nation-building,” dagdag pa Revilla.

Kabilang umano sa nais palitan ang pangalan na nakapaloob sa isinumiteng mga panukala ay ang 1) Bohol Island Circumferential Road bilang President Carlos P. Garcia Circumferential Road; 2) Urdaneta City By-pass Road kay Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco, Jr. Avenue; 3) Tambacan Bridge sa Iligan City bilang Mariano Lluch Badelles, Sr. Bridge at 4) ang kahabaan ng National Highway mula Brgy. San Juan Bautista hanggang Brgy. Nalayahan sa Siruma, Camarines Sur bilang Speaker Arnulfo “Noli” Fuentebella Highway.

Leave a comment