
Ni NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay na nagkunwang Belgian national gamit ang pekeng pasaporte.
Ayon sa BI, ang nasabing Pinay ay panibagong biktima ng human trafficking ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong nakalipas na Setyembre 5.
Kinilala ang biktima sa pangalang Josephine, nasa hustong gulang, na pinigilang makaalis ng bansa.
Base sa imbestigasyon, nagpakita ng Belgian passport ang biktima nang dumaan sa immigration counter at nagsabing patungo ito sa Ercan, Cyprus at naka- book sa Kuwait Airlines flight.
Nang imbestigahan, sinabi ng biktima na bibiyahe ito patungo sa Izmar, Turkey at dadaan muna sa Kuwait.
Gayunpaman, napansin ng mga BI officers ang maraming hindi pagkakapare-pareho sa kanyang pasaporte at arrival stamps.
Nang isailalim sa forensic screening ang mga dokumento nito ay nakumpirmang peke ang hawak nitong pasaporte, residence card, at immigration stamps.
Nang aarestuhin ito dahil sa pagiging illegal alien at nanindigan na isa itong Belgian ay umamin ang biktima na may hawak itong Philippine passport at naging overseas Filipino worker (OFW) sa Israel.
Natuklasan din na na-deport ito mula Israel ngayong taon dahil sa wala itong working visa.
Inamin din nito na may mapanood ito sa social media na Tiktok na nag-aalok ng EU passport para makabiyahe visa-free sa iba’t ibang bansa.
Nakumbinse umano itong magbayad ng P700,000 para sa pekeng dokumento at pinangakuan ng recruiters nito ng trabaho sa bansang Greece bilang caregiver na may suweldong P180,000 kada buwan.
Agad na dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang biktima para matulungan at sampahan ng kaso ang illegal recruiter nito.
