Barrierless expressway at interoperability ng RFID ipatutupad sa Nobyembre — Rep. Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Ibinalita ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na mararamdaman na ng mga motorista ang barrierless expressway at interoperability ng mga radio frequency identification (RFID) sa North Luzon at South Luzon Expressways ngayong Nobyembre bilang solusyon sa matinding trapiko na partikular na naranasan nitong nakaraang Semana Santa sa mga naturang lansangan.

Ito ang resulta ng pulong ni Tulfo, ng ACT-CIS partylist, sa mga opisyal ng SLEX at NLEX maging sa Toll Regulatory Board (TRB), matapos itong atasan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makipagpulong sa mga opisyal para pag-usapan ang solusyon sa problema sa trapiko sa mga naturang lansangan.

Matatandaang inatasan ni Romualdez si Tulfo na makipagpulong sa mga opisyal matapos itong makatanggap ng mga reklamo dahil sa mga hindi binabasang RFID sa mga toll gates na siyang naging pangunahing sanhi ng matinding pagsisikap ng trapiko partikular sa NLEX nitong Semana Santa.

Ayon kay Tulfo, kasabay ng paghingi ng paumanhin ng NLEX sa mga naabalang pasahero, iniulat nito kay Speaker Romualdez na hindi ang mga itong tumitigil sa pagawa ng solusyon ukol sa problema.

Sa pahayag ni dating Department of Public Works and Highway (DPWH) sec. at ngayon ay Metro Pacific Tollways Pres. Rogelio Singson, simula ngayong Nobyembre ay mararamdaman na ng mga motorista ang barrierless entry dahil aalisin na ang mga toll gate sa kanilang mga entry point at mas maayos at mabilis na RFID system ang kanilang ipapalit.

At sa susunod na taon naman ay mga exit point naman ang kanilang gagawing barrierless.

Gagawin na rin ang interoperability ng mga RFID o ibig sabihin ay isa na lamang RFID ang gagamitin sa lahat ng expressways sa Pilipinas, kabilang ang SLEX, NLEX, Skyway, CALAX, TPLEX at iba pang expressway.

Ito rin ang ipinangako ng pamunuan ng SLEX dahil patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa TRB at NLEX para patuloy na mapaunlad ang sistema ng trapiko sa mga expressways lalo na tuwing may mahabang holiday sa bansa.

Kabilang naman sa long-term solution ang pagdagdag ng mga kalsada sa mga expressways kabilang ang mga elevated expressway para naman matugunan ang patuloy na pagdami ng volume ng mga sasakyan sa bansa.

Bukod kay Singson, kasama ring dumalo sa pamunuan ng NLEX sina Luigi Bautista, NLEX Corp pres. and gen. manager; Francis Dagohoy, Government Relations Manager, NLEX; West Dionisio, VP for operations, NLEX; at Glenn Campos, VP for Technology, NLEX Corp.

Dumalo naman sa panig ng SLEX sina Rafael Yabut, pres. and CEO ng Skyway; Atty. Melissa Encanto-Tagarda, head, corporate affairs office ng San Miguel Holdings Corp.; at Nelly Argota, Operations head SMC tollway.

Samantalang kasama ring dumalo sina TRB Executive Director Atty. Alvin Carullo at Joz Carlos Ordillano, TRB Division head.

Leave a comment