
SPECIAL REPORT!!!!
Wala namang masama kung maging laging handa sa anumang kalamidad na mangyayari.
Gaya ng naranasang malakas na paglindol sa Taiwan na nasa magnitude 7.2 kung saan sa pinakahuling impormasyon ay nasa 9-katao ang iniulat na nasawi habang mahigit sa 900-katao ang nasugatan at marami pa rin ang nawawala.
Nakakatakot at siguradong walang sinuman ang hindi makakaramdam ng pangamba sakaling tumama ang malakas na lindol o ang binabantayang “Big One” ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Kaya dapat ay maging handa ang lahat at ang susi sa mabisang pagpaplano laban sa kalamidad ay ang kahandaan. Wika nga ng mga matatanda, “Daig na maagap ang masipag”.
Narito ang ilang mga ipinapayo ng Phivolcs sa lahat para sa paghahanda bago ang lindol
Alamin kung ang inyong lugar ay nasa dinadaanan o malapit sa kinaroroonan ng isang “active fault” o kung ito ay lugar na may malambot na lupa na maaring mag-“liquefy” kung magkaroon ng lindol.
Siguraduhin ang matibay na pagkakagawa sa mga bahay o gusali at ang pagkakagawa ay dapat na umaayon sa tama at iminumungkahing “safe engineering practice” ng mga dalubhasa.
Alamin din kung ang kinaroroonan ng gusali at iba pang mahahalagang imprastraktura ay matibay o pagtibayin pa kung kinakailangan.
Ihanda ang bawat tahanan at lugar na pinagtatrabahuhan sa pagkakaroon ng lindol.
Itali ang mga mabibigat na kagamitan o kasangkapan sa dingding upang maiwasan ang pagkahulog.
Ang mga babasagin, mga nakalalasong kemikal at mga bagay na madaling magliyab ay dapat na nakalagay o nakatago sa pinakailalim na bahagi ng mga istante at dapat na ito’y hindi madaling magalaw o matapon.
Ugaliin ang pagsasara ng mga tangke ng gas pagkatapos gamitin.
Sanayin ang sarili sa iba’t ibang lugar sa inyong tahanan at opisina.
Alamin ang mga matitibay na bahagi ng inyong gusali katulad ng hamba ng pintuan, mga lugar na malapit sa “elevator shafts”, matitibay na lamesa kung saan maaaring magtago at manatili habang lumilindol.
Matutong gumamit ng pamatay sunog (fire extinguisher), mga gamit pang-unang lunas (first aid kit), alarmang pang ligtas (alarms) at labasang pang emergency (emergency exit). Ang lahat ng ito ay dapat na nasa mga lugar na madaling puntahan at malapitan at may palatandaan o markang madaling makita.
Karaniwang sanhi ng pagkapinsala kapag may lindol ay dahil sa mga naglalaglagang mga bagay.
Ang mga mabibigat na kagamitan ay dapat nakalagay sa ilalim na bahagi ng mga istante.
Tiyakin ang matibay na pagkatali ng mga nakabiting bagay na maaaring matanggal at bumagsak kapag nagkaroon ng lindol.
Maghanda at magkaroon ng “earthquake survival kit” na naglalaman ng de-bateryang transistor, flashlight, first aid kit, tubig na maiinom, kendi, mga de lata at iba pang “ready-to-eat” na pagkain, pito at gas mask.
Habang nagaganap ang lindol
Kung inabot ka sa loob ng isang gusali o mall ay manatili lamang sa loob at magtago sa ligtas na lugar at iwasan ang pagtakbo.
Tumayo sa ilalim ng hamba ng pintuan o magtago sa ilalim ng matibay na mesa upang maprotektahan ang ulo at sarili sa mga naglalaglagan at naghahampasang bagay.
Kung nasa labas, pumunta sa isang ligtas at bukas na lugar.
Lumayo sa mga poste ng kuryente, pader at iba pang istraktura na maaaring bumagsak o matumba at makuryente.
Huwag manatili sa mga gusaling may mga salamin na posibleng mabasag at kung nagmamaneho, itabi at ihinto ang sasakyan.
Huwag magtangkang tumawid sa tulay o sa overpass at kung nasa gilid ng bundok o dalisdis, lumayo muna sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pagguho ng lupa.
Kung nasa tabing-dagat at nagkaroon ng malakas na paglindol, maging alerto sa posibleng magkakaroon ng “tsunami” at kung mangyari ito ay agad na tumakbo patungo sa lugar na palayo sa tabing-dagat at sa mataas na lugar.
Matapos ang lindol
Kung inabutan ng lindol sa isang lumang gusali, maglakad ng mabilis at hanapin ang pinakaligtas na daan.
Lumabas nang matiwasay at maayos at hindi nag-uunahan.
Gumamit ng hagdan sa pagbaba. Huwag gumamit ng elevator.
Suriin ang sarili at tingnan kung may iba pang tao napinsala maliban kung nangangailangan ng agarang tulong.
Huwag gamitin ang linya ng telepono upang tumawag sa mga kamag-anak at kaibigan dahilan na ang mga linya ng telepono ay kailangan ng mga owtoridad para sa madaling pagkalap at pagsasalin ng mga impormasyon tungkol sa kalamidad na naganap.
Huwag gumamit ng sasakyan at magpakalat-kalat sa kalsada dahil kailangan ang maluwag na kalsada para sa mabilis na operasyon ng mga taong magliligtas at magbibigay tulong sa mga taong napinsala.
Huwag pumasok sa mga gusaling may nasirang bahagi. Maaring matuluyan ang pagkaguho o pagbagsak ng mga ito kapag dumating ang malalakas na “aftershock”.
Makinig at mangalap ng balita at mga instruksyon galing sa mga kinuukulan tungkol sa mga paraan ng pag-iwas sa mga sakuna sa pamamagitan ng pakikinig sa mga de bateryang transistor.
Siyasatin ang kapaligiran
Linisin ang mga lumigwak o natapong nakakalason at madaling magliyab na mga kemikal upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga di kanais-nais na pangyayari at pagdami pa ng mga mapipinsala.
Alamin ang posibilidad ng pagkakaroon ng sunog at agad na kontrolin at supilin ito.
Siyasatin ang linya ng tubig at kuryente. Tingnan kung nagkaroon ng diperensya o sira ang mga ito. Kung inaakalang nagkaroon ng sira, patayin ang pinakalinya ng tubig o kuryente.
Kung kinakailangang lisanin ang tahanan, mag-iwan ng mensahe kung saan nakasaad ang lugar na patutunguhan.
Alalahanin, mahalaga na huwag mag-panic dahil sa magdudulot lamang ito ng kaguluhan at hindi rin makakatulong sa pagliligtas sa mga nasaktan dahil sa paglindol.
