Italian pedophile arestado

Ni NERIO AGUAS

Nadakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Italian national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong panghahalay sa isang menor-de-edad.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang naarestong dayuhan na si Stefano Todeschini, 57-anyos, noong nakalipas na Abril 5 sa Lahug, Cebu City ng mga ahente ng fugitive search unit (FSU).

Nabatid na armado ng mission order base sa hiling ng Italian Embassy sa Manila, isinagawa ang operasyon para sa pagdakip kay Todeschini para papanagutin sa panghahalay sa 10-taong gulang na batang babae 12 taon na ang nakalilipas.

Idinagdag ng BI chief na ang Italyano ay napapailalim sa isang Interpol red notice na nag-ugat sa pagpapalabas ng arrest warrant laban sa kanya ng prosecutor’s office ng isang korte sa Vicenza, Italy.

Si Todeschini ay iniulat na kinasuhan sa harap ng nasabing hukuman para sa panggagahasa at sekswal na pag-atake laban sa isang menor de edad na lumalabag sa Italian penal code.

Natuklasan din na undocumented alien ang nasabing dayuhan matapos na mag-expire ang Italian passport nito noong May 2017.

Ikinatuwa ni Tansingco ang pag-aresto sa nasabing pugante, at sinabing sa wakas ay mabibigyan na ng hustisya ang babaeng biktima sa pagkakaaresto sa lalaking nang-abuso sa kanya mahigit isang dekada na ang nakararaan.

“This should serve as another warning to foreign criminals that the long arm of the law with catch them wherever they might hide,” sabi ni Tansingco.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Todeschini habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng kanyang bansa.

Leave a comment