Pinay na biktima ng human trafficking naharang sa Cebu International Airport

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang isang Pinay na biktima ng human trafficking.

Iniulat ni BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) chief Bienvenido Castillo III ang pagharang sa 26-anyos na babaeng biktima na nagtangkang umalis sakay ng Philippine Airlines flight papuntang Bangkok noong Abril 2.

Nabatid sa imbestigasyon na inamin ng Pinay na na-recruit ito ng isang Chinese national na nakilala nito sa Facebook group para magtrabaho bilang private tutor at house helper kapalit ng P25,000 kada buwang suweldo.

Muling nagbabala si BI Commissioner Norman Tansingco sa mga Filipino na mag-ingat sa online recruitment at sa halip ay magtungo sa Department of Migrant Workers (DMW) para maging legal ang pagtatrabaho sa ibang bansa.

“We have observed that many of these trafficking victims are often recruited through messenger or groups on social media. Avoid entertaining such officers, and only apply through legal means, through the Department of Migrant Workers,” ayon sa opisyal.

Inendorso na sa MCIA Inter-Agency Council Against Trafficking ang kaso ng Pinay habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at paghahanda ng kaso laban sa recruiter nito.

Leave a comment