
NI NOEL ABUEL
Pinamamadali ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa 17 iba pang ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad ng batas na magbibigay ng dagdag ayuda sa mga tinaguriang “solo parents”.
Sinabi pa ni Villafuerte, nasa 15 milyong solo parents ang makikinabang sa Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act, na kanyang inakda sa nakaraang Kongreso kung kaya’t dapat lang na madaliin na ang pagpapatupad nito.
Kabilang sa mga benepisyong makukuha ng solo parents ang P50,000 exemption sa income tax, at diskuwento sa pagbili ng gatas, bitamina at gamot habang ang mga anak ng solo parents ay bibigyan din ng diskuwento sa matrikula at bibilhing gamit sa pag-aaral.
Sa ilalim din ng batas, ang mga solo parents na minimum o mas mababa pa ang sweldo ay tatanggap din ng P1,000 buwanang ayuda subalit dapat ay wala itong tinatanggap na cash subsidy mula sa gobyerno.
Exempted naman sa nabanggit na probisyon ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) na mayroong natatanggap sa gobyerno dahil sa kanilang edad at kapansanan.
Umapela rin si Villafuerte sa mga local government units (LGUs) na regular na magsumite ng listahan ng mga solo parent sa DSWD upang agad na maisama ang mga ito sa lilikhaing data base.
Ang mga solo parents ay bibigyan na rin ng Solo Parent Identification Cards (SPIC) at booklets na magagamit sa pagkuha ng mga discounts at iba pang pribilehiyo.
Karamihan ng mga bagong benepisyo na matatanggap ng mga solo parents ay galing sa House Bill (HB) No. 6051 na akda ni Villafuerte na isinama sa HB 8097 na siyang naging pinal na bersyon na inaprubahan ng Kamara.
Pinalawig din ng bagong batas ang depinisyon ng solo parents.
Maliban sa namatayan ng asawa, hindi kasal at biktima ng panggagahasa, sinabi ni Villafuerte na makikinabang na rin sa Solo Parents law ang mga asawa o miyembro ng pamilya ng semi-skilled overseas Filipino workers (OFWs) na wala sa Pilipinas ng 12 buwan, mga lolo at lola o iba pang miyembro ng pamilya o kuwalipikadong guardian na siyang umaako sa responsibilidad ng magulang ng inaalagaang bata at mga asawa ng mga nahatulang makulong ng hindi bababa sa tatlong buwan.
Ituturing na ring solo parents ang mga indibidwal na ang asawa ay physically o mentally incapacitated, hiwalay o iniwan ng asawa ng hindi bababa sa anim na buwan, at napawalang-bisa ang kasal at siyang nag-aalaga sa mga anak.
Ayon kay Villafuerte ang bawat probinsya at siyudad ay kailangang magtayo ng Solo Parents Office (SPO) at Solo Parents Division (SPD) naman sa mga munisipyo na inaatasan ng batas na magbigay ng SPIC card sa mga kuwalipikadong solo parents sa loob ng pitong araw mula sa paghahain ng aplikasyon at kompletong mga kailangang papeles.
