
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat si Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles sa mga kapwa nitong mambabatas sa pag-apruba sa antas ng komite ng panukalang batas na naglalayong ideklara ang Wawa Dam sa Montalban bilang isang tourist destination.
Ayon sa kongresista, napakahalaga sa pagbibigay ng mga oportunidad sa ekonomiya sa mga residente ng nasabing lugar ang Wawa Dam dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista.
“Nagpapasalamat tayo na aprubado na ng Committee on Tourism ang House Bill No. 2962. Wawa Dam has long been a tourist attraction, and we need government support to fully develop it for the benefit of the people,” sabi ni Nograles.
Sa ilalim ng HB No. 2962, o ang “Development of Wawa Dam Act,” magbabalangkas ng isang komprehensibong plano sa pagpapaunlad na kinasasangkutan ng pagtatayo, pag-install, at pagpapanatili ng mga naaangkop na pasilidad at imprastraktura na magpapahusay, magpapaunlad, at magtataguyod ng turismo sa lugar gayundin magpapabuti ng accessibility at seguridad ng mga turista.
Nakasaad pa sa panukala na ang Department of Tourism, Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources, Department of Interior and Local Government, at ang local government units ay inaatsang bumuo ng development plan sa loob ng Isang taon sa sandaling maging batas.Inaatasan din ang DOT na agad na ipatupad ang nasabing plano at isama ito sa pangkalahatang development programs ng ahensya.
Ang Wawa Dam ay kilalang man-made dam na nasa paanang bahagi ng Sierra Madre mountain range sa Montalban at itinayo noong 1909 na kinilala ng National Museum bilang Important Cultural Property dahil sa disenyo at istruktura at historical significance noong World War 2.
Naging pasyalan din ito ng mga hikers, bikers, at adventurers sa gitna ng Mt. Pamitinan at Mt. Binacayan.
Habang ang mga local tourists ay binibisita ang Wawa Dam para mag-swimming, picnics, sightseeing, boating, at photography.
“The continued patronage of tourists of sites like Wawa Dam indicates that our people value the environment and its bounty. Kinakailangan nating protektahan ang mga ito para sa mga susunod na henerasyon,” ayon pa sa kongresista.