
Ni NOEL ABUEL
Aabot sa P35 milyong donasyon at pledges ang nakolekta ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa mga biktima ng severe tropical storm Paeng na nanalasa sa buong bansa.
Pinangunahan ng tanggapan ni Speaker Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng round-the-clock meetings sa mga kinauukulang ahensya at sa mga high-ranking government officials partikular ngayong weekend para masiguro na makakarating sa mga biktima ng bagyo ang tulong.
Sinabi ni Romualdez na nakakuha na ito ng mga pangako ng tulong mula sa mga kapwa miyembro ng Kamara sa pangunguna ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, at sa mga pribadong indibidwal kaugnay ng relief drive at nakabuo ng P35 milyon na halaga ng mga donasyon at mga pangako ngayong alas-12:45 ng tanghali ng Linggo.
Maliban sa P35 milyon, nakatanggap din ang Speaker ng pangako ng tulong mula sa pribadong sektor, na nakatuon sa pagtulong sa paggawa ng mga kinakailangang relief packs.
Naging abala ang tanggapan ni Romualdez sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) gayundin sa Office of the Civil Defense (OCD), Department of National Defense (DND), at iba pang departamento at ahensya para tumulong sa mga biktima ng bagyo.
“During the darkest hours, the House of the People in coordination and partnership with the Marcos administration is always here to assist and help Filipinos in their time of need. We will support all the national government initiatives in pursuing relief and recovery efforts in areas affected by typhoon Paeng,” pahayag pa ni Romualdez.
Nakikipag-ugnayan na rin si Romualdez sa Departments of Health (DoH), Education (DepEd), Interior and Local Government (DILG), Public Works and Highways (DPWH), Trade and Industry (DTI), Energy (DoE), Transportation (DoTR), Information and Communications Technology (DICT) at iba pang departamento upang malaman ang naging epekto ng bagyo at kalagayan ng kalusugan, rescue missions, infrastructure, edukasyon, presyo ng pangunahing bilihin, power supply, transportasyon, komunikasyon at iba pa.
Sinabi pa ni Romualdez na ang Kamara ay tutugon sa mga pangangailangan ng mga kinauukulang departamento kaugnay ng kalamidad pagdating sa pagsasapinal sa panukalang 2023 national budget.
Ganap na alas-10:00 ngayong umaga, tinugon na ni Romualdez at ng kabiyak nitong si Tingog party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, chairperson ng House Committee on Accounts, sa hiling nina Reps. Emmanuel Billones (Capiz, 1st District), Jane T. Castro (Capiz, 2nd District), Carlito S. Marquez (Aklan, 1st District), Teodorico “Ted” Haresco Jr. (Aklan, 2nd District), Ferjenel G. Biron (Iloilo, 4th District), Gerardo Valmayor Jr. (Negros Occidental, 1st District), Antonio Legarda Jr. (Antique, Lone District), Mohamad P. Paglas
(Maguindanao, 2nd District), Bai Dimple I. Mastura (Maguindanao and Cotabato City, 1st District), David “Jay-jay” C. Suarez (Quezon, 2nd District), dating Speaker Lord Allan Velasco (Marinduque, Lone District), House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe (Zamboanga City, 2nd District), Mercedes K. Alvarez (Negros Occidental, 6th District), Maria Theresa V. Collantes (Batangas, 3rd District), Sittie Aminah Q. Dimaporo (Lanao del Norte, 2nd District), Cavite Rep. Lani Mercado Revilla (Cavite, 2nd District), Ramon Jolo B. Revilla III (Cavite, 1st District), at Marlyn “Len” B. Alonte (Biñan City, Lone District), at Governors Fredenil “Fred” H. Castro of Capiz atbFlorencio “Joeben” T. Miraflores ng Aklan para sa financial at food assistance.
Sa pakikipagtulungan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo, sinabi ni Romualdez na naibigay na ang mga initial names ng mga kapwa nito kongresista na humihiling ng tulong at makakatanggap ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Sinabi pa nito na kumilos na rin si Tingog party-list Rep. Jude Acidre para maghanda ng relief mission sa Cotabato, Eastern Visayas, at iba pang lugar na naapektuhan ng bagyong Paeng.
“Sa tulong ng mga kasama nating mambabatas sa House of Representatives, magsasagawa ang Office of the Speaker ng relief drive at operations para sa mga komunidad na nasalanta ng bagyong Paeng. Maglalaan tayo ng pondo para simulan ang pagbili ng mga kakailanganingvrelief goods tulad ng bottled waters, canned goods, bigas at iba pang basic necessities na ipapadala sa mga apektadong komunidad,” ani Romualdez.
“Nananawagan din tayo sa pribadong sektor na makibahagi sa relief operations drive na ito at magpadala ng anumang tulong na maibabahagi nila sa mga nasalanta ng bagyo. Sa mga nagnanais at interesadong tumulong, maari po kayong tumawag sa numerong (09171064969). Maliban dito, nag-coordinate na rin po tayo sa mga ahensya ng NDRRMC para maipaalam ang sitwasyon sa mga distrito base sa report ng ating mga kasama sa Kongreso. Asahan po ninyo na gagawin natin ang lahat para makabangon sa panibagong hamon na dala ng bagyo. Maraming salamat po at mag-ingat po tayong lahat,” paliwanag pa ni Romualdez.