
NI NOEL ABUEL
Nagbabala ang isang kongresista sa mga funeral parlors na mangho-hostage ng bangkay dahil lamang sa hindi pagbabayad ng mortuary services.
Ayon kay Makati City Rep. Luis Campos Jr. kasong kriminal ang maaaring isampa sa sinumang funeral parlors at morgue na ipitin ang labi ng isang tao kung hindi pa nababayaran ang serbisyo.
Sa inihain nitong House Bill No. 1292, sinumang empleyado o officer ng isang morgue o funeral home na tatangging ibigay sa mga naulilang pamilya ang cadaver ay mahaharap sa pagkakakulong ng anim na buwan at multang P50,000.
“It is cruel and inhuman for morgues and funeral homes to hold hostage the remains of the deceased for financial gain. It is a shameful and anti-poor business practice that should be condemned by Congress,” sabi ni Campos.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ituturing na labag sa batas para sa mga nagkakaloob ng embalming, burial, at cremation services na pigilin ang pagpapalabas ng bangkay dahil sa pagkabigo ng miyembro ng pamilya na bayaran ang halaga ng mortuary services.
Tinukoy pa sa panukala na ang mga surviving family members na hindi makabayad ng anumang singil sa mortuary ay maaaring makuha ang bangkay, kumpleto sa lahat ng kinakailangang papeles sa pagpapalabas, sa pamamagitan lamang ng paghahain ng promissory note na may co-maker.
Ayon pa sa kongresista, ang taong 2021 ang pinaka-deadliest” sa kasaysayan ng Pilipinas na umabot sa 879,429 ang iniulat na nasawi kabilang ang 105,723 nasawi dahil sa COVID-19 pandemic.