
Ni NOEL ABUEL
Sinuportahan ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang panukala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bumuo ng Department of Public Works and Highways district office para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang mapabilis ang pag-aayos ng mga nasirang daan at tulay dulot ng bagyong Paeng.
Ayon sa kongresista noong nakalipas na 18th Congress pa lamang ay isinusulong na nito ang pagkakaroon ng sariling district office ng DPWH ang BARMM upang agad na maisaayos ang nasirang mga infrastructure, tulay at iba pa.
“Napakaraming daan at tulay ang napinsala sa pananalasa ng nakaraang bagyo, at marami dito ang hindi madaanan, bagay na nagpapahirap sa pagpapadala ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad. Nakikita rin natin ang kahalagahan ng pagtatayo ng isang tanggapan ng DPWH sa BARMM na mangangasiwa hindi lamang sa pagkumpuni ng mga damaged infrastructure dulot ng bagyong Paeng, kundi pati na rin sa patuloy na implementasyon ng national projects na pinopondohan ng pamahalaan,” paliwanag pa ng mambabatas.
“Noong nakaraang Kongreso, nag-file tayo kasama ang mga BARMM representatives ng isang resolution na humihiling na magtayo ng National DPWH office sa BARMM. Ito ay nakapaloob sa Resolution No. 333 na nai-file natin kasama sina Datu Roonie Sinsuat Sr. at Esmael Mangudadatu ng Maguindanao, si Munir Aribson ng Sulu, si Rashidin Matba ng Tawi-tawi, si Yasser Balindong at Ansaruddin Adiong ng Lanao del Sur, at si Amihilda Sancopan ng Anak Mindanao, na pawang mga kinatawan sa 18th Congress noon,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Hataman na batid na nito na may kahirapan ang pagpapatupad ng national infrastructure projects sa BARMM dahil sa kawalan ng national office ng DPWH.
“Isang praktikal na mungkahi ang pagbubuo ng district engineering office ng DPWH sa bawat lalawigan ng BARMM upang mapangalagaan ang mga pambansang daanan o national highways, kaya ito isinulong ng mga Bangsamoro representatives noong 18th Congress. Dahil iniiwasan natin na magturuan kung sino ang mangangalaga ng mga kalsada pagdating ng panahon,” ayon pa dito.
Kaya naman hiling ni Hataman sa 19th Congress at sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na ituloy na ang pagtatayo ng DPWH District Engineering Offices sa bawat lalawigan ng BARMM para sa agad na mapatupad ang mga national projects at mapangalagaan ang mga national roads and highways, at para sa mabilis na pagresponde sa ganitong mga pagkakataon.