
NI NERIO AGUAS
Nakatakda nang ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na dayuhang wanted sa kanilang bansa dahil sa samu’t saring kaso.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing mga dayuhan ay awtomatikong isasailalim sa blacklist upang hindi na makabalik pa ng Pilipinas.
Kabilang sa mga ipapatapon palabas ng bansa ang dalawang Koreans, isang Amerikano, at isang Dutch national, na pawang nakadetine sa detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sa record ng BI, mula Oktubre 10 hanggang Oktubre 18 nang magkakahiwalay na naaresto ang nasabing mga dayuhan ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa Pampanga, Catanduanes at Metro Manila.
Nabatid na Oktubre 10 nang madakip sa Clark, Pampanga ang Korean national na si Kim Won, 34-anyos na may arrest warrant mula sa Dongbu district court sa Seoul dahil sa telecommunications fraud.
At noong Oktubre 13, nadakip ng FSU agents sa condominium unit sa Taguig City ang isa pang Korean na si Kim Girok, 29-anyos, na may arrest warrant na inilabas ng Daegu district court sa kasong prostitution racket at human trafficking scheme sa pamamagitan ng Internet.
Habang ang Dutch national na si Jan Cornelis Stuurman, 71-anyos, na isang pedophile, ay nadakip sa Virac, Catanduanes noong Oktubre 14 dahil sa pagiging illegal alien at sangkot sa pang-aabuso sa tatlong batang Filipino.
Samantala, bumagsak din sa BI ang American national na si Steven Vernon Cross, 51-anyos, na wanted ng US District Court for Eastern Virginia dahil sa kasong wire fraud at laundering money instruments.
Natuklasan din na si Cross ay isang convicted sex offender na nahatulang makulong ng isang taon ng Kent County, Michigan dahil sa pang-aabuso sa isang bata.
Ayon kay Tansingco ang apat na dayuhan ay ay kabilang sa 130 foreign fugitives na naaresto ng BI mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.
“They are undesirable aliens whose continued presence here poses a serious threat to public interest. Hence they were arrested and will be immediately deported as undesirable aliens,” sabi a ni Tansingco.