
NI NERIO AGUAS
Hawak na ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese nationals na itinuturong sangkot sa panghahalay.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang nadakip na mga dayuhan na sina Liu Yong, 28-anyos, at Sun Laizheng, 35-anyos, na una nang naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa paglabag sa Article 266 of the Anti-Rape Law.
“We received a coordination letter from PNP Pasay City regarding Liu and Sun. Their custody was transferred to us last Oct. 19,” sabi ng BI Chief.
Sa record ng BI, si Liu at Sun ay dumating sa bansa noong 2018 at nanatili hanggang 2019 kung saan kinasuhan ang mga ito dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Law.
“They are a threat to our women and children and there is no place for these kinds of foreigners in our land. Rest assured that the BI is in close coordination with other law enforcement agencies in advocating for a safer community for the Filipinos,” paliwanag ni Tansingco.
Nakadetine sa BI detention center sa Taguig ang mga nasabing dayuhan habang inihahanda ang papeles para sa pagpapatapon pabalik ng China ang mga ito.