
NI NERIO AGUAS
Naaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Canadian na overstaying na sa bansa matapos na magwala at nanira ng mga ari-arian sa isang subdibisyon sa Angeles City, Pampanga.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang naarestong dayuhan na si Andrew Clark Stewart, 62-anyos, na kasalukuyang nakadetine sa BI jail facility sa Bicutan, Taguig habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik ng bansa nito dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.
Ayon sa BI, noong nakalipas na Oktubre 18 nang madakip si Stewart dakong alas-10:00 ng gabi sa harap ng tahanan nito sa Angeles City, Pampanga.
Sinabi pa ni Tansingco, nakatanggap ng reklamo ang BI hinggil sa madalas na pagwawala ng nasabing dayuhan sa nasabing lugar sa magkakahiwalay na pagkakataon kung kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon laban dito hanggang sa maaresto.
“When our officers approached Stewart, he failed to present a valid passport or any identification card. He was then arrested for being in flagrante undocumented,” ani Tansingco.
“This should serve as a warning to foreigners who wish to stay in the country. Legalize your stay and behave appropriately or face detention and deportation,” dagdag pa ng BI chief.