
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar ang paglalaan ng P10 bilyong pondo para suportahan ang mga nangangailangan ng pamilyang Pilipino sa paglaban sa cancer.
Sa inihain nitong House Bill No. 5686, kinilala ng kongresista na ang cancer ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas, at binanggit na ang paglaban sa kinatatakutang sakit ay maaaring makaubos sa pera ng mga Pilipino, lalo na para sa mga mahihirap.
“Considering that one of the goals of the national economy is a more equitable distribution of opportunities and raising the quality of life for all, especially the underprivileged, it is high time that those who are less in life be given the lifeline to fight the cancer disease despite their lack of resources,” paliwanag ni Villar.
Ang chemotherapy para sa mga pasyente ng cancer ay maaaring nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P100,000 kada sesyon.
Sinabi ng mambabatas na ang halaga ng gamot sa pamamagitan ng radiation, o kahit na pagsusuri sa pamamagitan ng MRI o magnetic resonance imaging, ay mabigat kahit sa mga pasyenteng nasa middle-income, at kadalasang hindi maaabot ng mahihirap.
Ang insidente at dami ng namamatay sa cancer sa Pilipinas ay tumataas sa nakalipas na mga dekada, kung saan 189 sa bawat 100,000 ang apektado ng cancer, ayon sa pinakahuling tala mula sa health department. Gayundin, apat na Pilipino ang namamatay sa cancer kada oras, o 96 na pasyente araw-araw.
“This trend is expected to continue if organized and sustained specialized care and preventive measures against cancer are not initiated,” ani Villar.
“This is why cancer has gained a reputation as the disease for the rich. The painful truth is that it can afflict anybody, regardless of economic status,” dagdag nito.
Nakapaloob pa sa panukala na ang cancer treatment program ay itatatag at pangangasiwaan ng Philhealth sa pamamagitan ng mga ospital ng gobyerno nito sa bawat distrito ng kongreso.
Ang tulong ay limitado sa mga pasyenteng maralita at kapus-palad na tinukoy ng Philhealth sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa ilalim ng 2022 spending plan, aabot sa kabuuang P529.2 milyon ang inilaan sa cancer assistance fund.