
Ni NOEL ABUEL
Umaasa si House Speaker Martin G. Romualdez na bibilis na ang internet ng bansa sa susunod na taon sa sandaling ipatupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang National Broadband Plan (NBP) na inilaan sa P1.5 bilyon sa panukalang 2023 national budget.
Sinabi ni Romualdez na ang P1.5 bilyong alokasyon sa NBP ay bahagi ng P77 bilyon na institutional amendments na ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na dagdagan ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, transportasyon, at iba pang kritikal na social services.
“And the internet is a critical social service nowadays, as it is deeply entrenched in the way we live. We use the internet for education, for delivering and availing social services, for our businesses, and for almost every facet of our lives,” ani Romualdez.
Sinabi ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, na ang P1.5 bilyon na inilaan para sa NBP ay malaki ang maitutulong sa pagsisimula ng programa na inaasahang magbibigay ng backbone sa pagbibigay ng internet sa lahat ng ahensya ng gobyerno sa buong bansa.
“At alam naman natin na maraming lugar pa rin sa ating bansa ang hindi naaabot ng internet connection, lalo na ‘yung malalayong lugar. And we can now use the bandwidth given by Facebook once the DICT conducts the rollout of national broadband infrastructure, which will now be finally funded,” sabi ni Co.
Tinukoy nito ang naunang kasunduan na ginawa ng DICT, Facebook, at ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) kung saan pumayag ang Facebook na magbigay ng spectrum sa gobyerno ng Pilipinas katumbas ng hindi bababa sa dalawang milyong megabits per second (Mbps) kapag naitatag na ang imprastraktura ng internet.