
NI NOEL ABUEL
Makakaasa ng malaking tulong ang taumbayan sa inaprubahang bicameral committee na tumalakay sa P5.268 trillion national budget sa susunod na taon.
Ito ang siniguro ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Finance committee kung saan base sa ikalawang pagpupulong ng bicam ay napagdesisyunan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na dagdagan ang pondo ang ayuda programs ng pamahalaan tulad ng sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa emergency employment o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa Department of Education (DepEd) para sa libreng tuition fee; sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa dagdagan ang subisdiya at sa Department of Health (DOH) para naman sa tulong sa mga mahihirap na pasyente na nasa government hospitals.
“In fact, nadagdagan ang karamihan diyan. ‘Yung mga emergency employment sa ilalim ng DOLE, ‘yung assistance to individuals in crisis situations sa ilalim ng DSWD, ‘yung libreng tuition, ‘yung subsidiya po sa PhilHealth, nadagdagan po ‘yun, at ‘yung assistance din po sa indigent patients sa government hospitals sa pagtutulungan ng Kamara at ng Senado,” sabi ni Angara.
Nadagdagan din ng pondo ang edukasyon para sa State Universities and Colleges (SUCs), at ang infrastructure budget ay nadagdagan din.
Gayundin, nagdagdagan din ang pondo ng Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Supreme Court (SC).
Dagdag din ni Angara, karamihan sa ibang ahensya ng pamahalaan ay natanggalan ng intelligence funds maliban sa DepEd na naibalik ang P150 milyong confidential and intelligence fund.
“Nabawasan ‘yung special funds, may konting bawas. At ‘yung ibang foreign-assisted projects inilagay namin sa unprogrammed fund. Kasi, under the unprogrammed fund, pag may foreign funding s’ya, pag nag-materialize ‘yung loan, puwede nang pondohan ‘yun,” ani Angara.
Samantala, naibalik naman ang P10 bilyun na budget ng NTF-ELCAC sa pamamagitan ng intervention ng Kamara.

Sinabi naman ni Ako Bicol party list Rep. Elizaldy Co, chairman ng House appropriations committee, na pinondohan din ang programang Libreng Sakay ng Department of Transportation (DOTr) at ang pagtatayo ng mga specialty hospitals sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Nilagyan natin ‘yung libreng sakay, in fact, we added more in this bicam. And then, ‘yung hospitals na specialty, we’re going to build a bigger hospital of about 20 floors. So, you will see the promise of the President. We will build malalaking hospital all over the country which will be good for social services. Kasi ‘yung mga first class hospital dito sa Manila, hindi naman sila kayang pumunta sa provinces. So, we are going to fund it in a multi-year,” sabi ni Co.
Ang panukalang P5.268T ay mas mataas ng apat na porsyento kumpara sa budget ng 2022 na nasa P5.024 trilyon at nakatakdang ratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ngayong hapon kung saan target naman itong mapapirmahan sa Pangulo bago ang araw ng Pasko.
“Mukhang on schedule before Christmas. Ang problema, aalis yata ang Pangulo, hindi natin sigurado kung maihahabol before he leaves for Europe or pagbalik niya,” ayon pa kay Angara.