
Iginiit ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee ang kanyang panawagan sa Insurance Commission na suspendehin ang pagpapatupad ng kanilang Circular Letter No. 2022-34 na magtataas ng insurance premium rates sa mga sakuna tulad ng bagyo, baha at lindol.
Noong nakalipas na Disyembre 12 nang ihain ni Lee ang House Resolution No. 632 na humingi ng imbestigasyon sa hindi napapanahong pagpapatupadbng minimum catastrophe insurance rates sa buong bansa na napagpasyahan nang walang paunang konsultasyon sa pribadong sektor at sa end-user na negatibong maaapektuhan ng nasabing pagtaas.
Ang panibagong pagtaas ay epektibo sa Enero 1, 2023 na magreresulta sa biglaang pagpataw ng mataas na insurance premiums na aabot mula 40 porsiyento hanggang 400 porsiyento.
“Kaya po natin nire-regulate itong insurance industry para maging patas o hindi makapang-abuso ang mga insurance companies. Pero bakit wala man lang nakonsultang end-users sa pagtaas ng insurance premium na ito? Sino po ba ang pinoprotektahan sa polisiyang ito?” pag-uusisa pa ni Lee.
“Bakit minimum ang tinututukan dito? Hindi ba, it’s better or it’s good for the consumer if magkakompetisyon at pababaan ng rate. Bakit ngayon ang kinokontrol ng ating komisyon ay ang minimum? Walang maximum eh, walang ceiling,” dagdag nito.
Ipinunto ng mambabatas mula sa Sorsogon na ang insurance premium hike ay magreresulta rin sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na karagdagang pabigat sa taumbayan.
Ibinahagi ni Lee na sumulat din ito kay Insurance Commissioner Dennis Funa para tanungin ang isyu, ngunit hanggang sa kasalukuyan ayhindi pa to sumasagot.
“Domino effect po ito. Siguradong tataas ang presyo ng mga pagkain, dahil sa production pa lang, sa storage, sa mga makina, pagdating sa distribution center, hanggang sa retail, lahat ay apektado ng pagtaas ng insurance premium na ito dahil halos lahat po ay kumukuha na ng insurance,” ani Lee.
“Kanino po ito ipapasa ng mga kompanya kundi sa mga consumers. Panibagong pagtaas na naman po ito sa presyo ng mga bilihin. Kawawa na naman ang taumbayan dito. Kaya tayo po ay nananawagan sa ating Commissioner ng Insurance Commission na itigil ang implementasyon ng kanilang circular dahil wrong timing na wrong timing po ito. Kapag nasuspinde ito, Winner Tayo Lahat,” dagdag pa nito.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang kongresista sa masamang epekto ng nasabing insurance hike sa sektor ng agrikultura at sa pagsisikap ng gobyerno na makamit ang food security ng bansa.
“Nalaman po natin na pati Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay apektado at magtataas din ng insurance premium. Kung patuloy na madedehado ang ating agri workers sa mga serbisyo, nalalagay din sa alanganin ang isinusulong nating food security,” ayon pa kay Lee.
“Kung matutuloy ang dagdag-singil na ito sa catastrophe insurance, disaster po ‘yan para sa mga Pilipino,” aniya.