
NI NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na dapat na bigyan ng 13th month pay ang mga empleyado ng pamahalaan na nagtatrabaho bilang contractual employees at job orders (JO).
Sa inihain nitong Senate Bill no. 1621, sinabi ni Revilla na ang 13th month pay ay hindi umano isang bonus dahil ayon sa Presidential Decree No. 851, lahat ng mga employer na mula sa pribadong sektor ay obligadong magbigay ng 13th month pay sa mga rank-and-file employees nito kahit na hindi kumikita ang kumpanya, hindi tulad ng bonus na ipinagkakaloob depende sa employer kung maganda ang takbo ng kumpanya.
“Nalalapit na ang Pasko pero iilan lang tayong magiging masaya na makakatanggap ng 13th month pay. ‘Yung mga kasamahan nating contractual at job orders sa gobyerno, walang matatanggap, eh pare-pareho lang naman din tayong nagsisilbi sa bayan,” sabi ng senador.
“Idagdag mo pa ang patuloy ang tumataas ang bilihin, eh talagang kawawa naman sila,” dagdag pa ni Revilla.
Nakapaloob sa SB 1621 na sakop nito ay ang mga nagtatrabaho sa gobyerno sa ilalim ng contract-of-service scheme o job order arrangement na karaniwang hindi natatanggap ng iba pang benepisyo at allowances na tulad ng sa mga regular na government employees.
Sinabi pa ni Revilla, chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ang mga contractual workers ay may malaking papel na ginagampanan sap pagsusulong ng serbisyo publiko.
“Ang trabaho nila ay kasing bigat ng trabaho ng mga regular. Walang duda, sila rin ang kasing sipag ng ibang kawani ng gobyerno. Kaya nararapat lamang na bigyan rin natin sila ng benepisyo na natatanggap ng mga regular employees,” paliwanag pa ng senador.
Base sa Inventory Government Human Resources, mula Hunyo 30, 2022 ay umaabot sa kabuuang 2,462,534 ang manggagawa sa pamahalaan at 642,077 o tinatayang nasa 26 porsiyento ng kabuuang government workforce ay binubuo ng Job Order and Contract of Service (JOCOS) personnel.