
Ni NOEL ABUEL
Nagbabala si Leyte Rep. Richard Gomez sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na magdulot ng gulo kung ang mga local government units (LGUs) pa ang kikilos sa pagpaparehistro ng SIM cards.
Ipinaalala ni Gomez, na dalawang terminong alkalde ng Ormoc City, sa DILG na ang pangunahing kumikilos sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11934 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act ay ang Department of Information and Communication Technology (DICT) at hindi ang LGUs.
“It is the responsibility of the DICT and the telecommunication companies to implement the registration of SIM cards, including informing the public the WHYs and the DOs. Why give the burden of letting the public know about the pros and cons of the measures, and the registration methods, to the LGUs when these already have so much task at hand?” pag-uusisa ni Gomez.
“The telcos should not burden the LGUs since they are the ones which earn hundreds of millions of pesos a day from mobile phone users, they are much richer than most LGUs. They should take care of their own business and their own problems because their profit are all theirs to keep and enjoy,” giit ng kongresista.
Sinabi ng DILG nitong Lunes na responsibilidad ng mga LGUs na ipaalam sa kanilang mga nasasakupan ang pangangailangang magparehistro ng mga SIM card at kung saan sila maaaring mag-avail ng mga serbisyo sa pagpaparehistro.
Ngunit ang mga local government units, ani Gomez ay marami nang ginagawa sa gitna ng patuloy na banta ng sakit na coronavirus (COVID-19), ang pagsalakay ng mga natural na kalamidad tulad ng mga bagyo at lindol, at pagpapatupad ng local peace and order policies at ipinagdiriwang ng bansa ang mga pista opisyal sa ilalim ng hindi gaanong mahigpit na patakaran sa mobility policy.
Idinagdag ni Gomez na ang mga telecommunication firm ay madaling maaatasan ang kanilang mga distributor at libu-libong retail stores upang gawin ang pagpaparehistro kung saan ibinebenta nila ang kanilang mga SIM card.
“Marami na pong trabahong inaasikaso ang ating mga LGUs. Pangunahin po rito ang unahin ang mga pangangailangan ng kanilang mga constituents. Ang SIM card registration po ay trabaho ng DICT at ng telcos. Hayaan na po nating sila ang gumawa ng kanilang trabaho,” sabi pa ni Gomez.