
Ni NOEL ABUEL
Sa kabila ng pagtanggap ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee sa pahayag ng Insurance Commission sa biglaan at hindi makatwirang pagtaas sa minimum insurance premium rates para sa mga sakuna tulad ng lindol, bagyo at baha, ipinahayag nito ang kanyang pagkadismaya kay Insurance Commissioner Dennis Funa na hindi sumasagot sa mga totoong isyu.
“Marami po tayong tanong na gustong liwanagin sa kanila. Una na rito, ang hindi pagkonsulta sa pribadong sektor at sa mga consumer bago nila inilabas ang polisiyang ito. Bakit sila-sila lang ang nag-usap-usap kung ang tatamaan nito ay ang nagbabayad ng insurance, na makakaapekto rin sa presyo ng basic commodities? Gulatan ang nangyari. Patago kaya parang sabwatan ang nangyari,” paliwanag ni Lee.
“Bakit minimum ang kanilang tinataasan? Hindi ba dapat ang nireregulate ay ang maximum rate na pwedeng i-charge ng bawat insurance company sa mga consumer para hindi sila makapang-abuso?” pag-uusisa pa nito.
Ibinahagi ng mambabatas mula sa Sorsogon na noong nakalipas na Disyembre 12, nang ilabasd ng AGRI Party-list ang isyu sa publiko, sumulat ito kay Funa upang tanungin ang nasabing usapin na hindi pa rin sinasagot ng huli.
Gayunpaman, sa pamamagitan ng isang panayam sa e-mail na inilathala sa BusinessWorld noong Disyembre 19, iniulat na sinabi ni Funa na ang premium para sa catastrophe risk ay huling naayos noong 2006 at nangangailangan ng pagsasaayos dahil ang lumang istraktura ng premium ay “unsustainable”.
“For the longest time, the other non-life insurance business lines have been subsidizing catastrophe insurance products and claims — a situation that is unsustainable given the constant, if not growing, exposure to catastrophe risks,” sabi pa ni Funa.
“Sa sinasabi ni Commissioner Funa na kailangan daw ang adjustment dahil matagal nang hindi nakapagtaas ng singil sa insurance na ito, ang tanong natin: Sa nagdaang mga taon, nalugi ba ang mga insurance company para sabihin nilang ‘unsustainable’ ito? Kung totoong lugi at hindi na profitable at kumikita, handa ba silang isapubliko ang kanilang mga libro para patunayan ito?” sagot ni Lee kay Funa.
“Naniniwala tayo na hindi kailangang taasan ang singil sa insurance na ito kahit matagal nang hindi ito na-adjust. Dahil sa paglipas ng panahon, kahit fixed ang rate, tumataas naman ang halaga ng pinapa-insure natin kaya sumasabay din ang nakukuhang payment. Kaya hindi natin masundan ang logic sa pagtataas, lalong-lalo na sa minimum rate,” pahayag pa ng mambabatas.
Inulit ni Lee ang kanyang panawagan sa Insurance Commission na suspendehin ang biglaang pagtaas ng catastrophe insurance premium rates na tiyak na magreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Makinig po kayo sa panawagan na itigil at pag-usapan muna ito. Sa parating na Bagong Taon, iwasan natin ang mga polisiyang lalong magpapadehado sa nakakaraming Pilipino. Ang gusto natin, Winner Tayo Lahat,” ani Lee.
“Wala pong supervening event o matinding pangyayari na magbubunsod sa halos 400% increase sa catastrophe insurance rate na siguradong papasanin ng publiko. Wrong timing talaga. Bugbog na bugbog na ang taumbayan sa taas ng presyo ng mga bilihin na dulot ng Russia-Ukraine war at sa epekto ng pandemya, dadagdagan pa ng polisiyang ito na iilan lang naman ang makikinabang. ‘Pag natuloy ito, total disaster ang maidudulot sa consumers,” giit pa nito.